Home NATIONWIDE AFP walang balak alisin BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal

AFP walang balak alisin BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal

2
0

MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pahayag ng Chinese Embassy na may naging kasunduan ang Pilipinas na alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon kay AFP West Philippine Sea spokesperson retired Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, walang anumang binding commitment ang Pilipinas na alisin ang barko. Aniya, sinusubukan lamang ng China na “rewrite history.”

Binanggit ni Trinidad ang Panganiban Reef o Mischief Reef, na inookupa ng China noong 1995. Una umanong sinabi ng China na ang mga itinayong istruktura roon ay para lamang sa mga mangingisda at walang layuning militar. Kalaunan, naging malaking military installation ito na may airstrip, radar facilities at naval infrastructure.

Ayon sa AFP, ang presensya ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal ay isang legal na deployment ng Pilipinas. Sadyang inilagay at pinasadlak doon ang barkong mula pa noong World War II noong 1999 upang magsilbing military outpost.

Paulit-ulit na hinihiling ng China ang pag-alis ng barko at sinasabing nangako ang Pilipinas na aalisin ito, ngunit palaging itinatanggi ng Manila ang naturang claim.

Binanggit din ng AFP ang 2016 arbitral award, na nagsabing ang Ayungin Shoal ay isang low-tide elevation na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. Wala rin umanong legal na batayan sa ilalim ng UNCLOS ang malawak na historic rights claim ng China sa loob ng nine-dash line.

“No binding commitment was made to remove the BRP Sierra Madre from Ayungin Shoal,” ani Trinidad.

Iginiit ng AFP na patuloy nitong ipagtatanggol ang soberanya ng Pilipinas at susundin ang international law.

“We will never abandon BRP Sierra Madre.”

Samantala, tinanggap ng Department of National Defense (DND) ang pagpasok sa bisa ng Acquisition and Cross-Servicing Agreement (ACSA) sa pagitan ng Pilipinas at Japan.

Nilagdaan noong Enero, nagbibigay ang ACSA ng framework para sa mas maayos na pagbibigay ng supplies at services sa pagitan ng AFP at Japan Self-Defense Forces.

Layunin nitong palakasin ang bilateral activities tulad ng joint military exercises at humanitarian assistance at disaster response operations.

Bahagi ito ng mas malawak na comprehensive strategic partnership ng Pilipinas at Japan para palalimin ang kooperasyon at suportahan ang isang malaya at bukas na Indo-Pacific.

Sinundan nito ang Reciprocal Access Agreement (RAA), na nagtatakda ng legal na framework para sa joint military training, disaster response at defense cooperation. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here