Home TOP STORIES 30% dagdag-sahod tuwing kalamidad, isinusulong 

30% dagdag-sahod tuwing kalamidad, isinusulong 

10
0

Isinusulong ng TRABAHO Party-List sa House Representatives ang House Bill No. 4435 o ang panukalang “Calamity Pay Law” na magbibigay ng 30 porsiyentong (30%) premium pay o dagdag-sahod sa lahat ng empleyadong pumapasok sa trabaho sa gitna ng matitinding sakuna at kalamidad.

Ayon sa may-akdang si Congw. Johanne Bautista, layon nitong punan ang kakulangan sa batas at bigyang-karapatan ang mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor na makatanggap ng kaukulang insentibo.

Binigyang-diin ni Bautista sa explanatory note ng panukala na ang 30% calamity premium pay ay isang patas at makatarungang kompensasyon. Ito umano ay pagkilala sa panganib sa buhay at sakripisyong sinusuong ng mga empleyado upang makapaghatid ng serbisyo sa panahon ng kalamidad.

Ayon sa panukala, matatanggap ng manggagawa ang 30% dagdag-sahod kapag pumasok sila sa mga panahong ang kanilang lugar ay:

·      Isinailalim sa opisyal na State of Calamity;

·       Itinaas sa hindi bababa sa Typhoon Signal No. 3 o Red Rainfall Warning;

·       Nagkaroon ng suspensyon ng pasok mula sa gobyerno; o

·       Idineklarang matinding naapektuhan ng mga natural na kalamidad tulad ng lindol at baha.

Bukod sa 30% premium pay, naglalaman din ang panukala ng matibay na proteksyon para sa mga manggagawa laban sa diminution of pay o mga kaltas sa sahod, pati na rin sa mga administratibong parusa kung sila ay mabigo o tumangging pumasok sa trabaho dahil sa aktwal o napipintong panganib na dulot ng sakuna.

Sa kasalukuyan, wala pa ring batas na nagbibigay ng karapatan sa mga empleyado sa private sector at government employees tuwing may kalamidad. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here