MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development Chairman Erwin Tulfo sa mga magulang at guardians na mas makipag-usap sa kanilang mga anak at huwag umasa lamang sa teknolohiya upang subaybayan ang kanilang kalagayan.
Ang pahayag ni Tulfo ay matapos may matagpuan na isang baril sa loob ng bag ng isang Grade 9 student sa Pinamungajan, Cebu—ilang araw lamang matapos ang shooting incident sa Ateneo de Zamboanga University (ADZU) na ikinasawi ng dalawang estudyante at ikinapahamak ng siyam na iba pa. Ayon sa ulat ng mga awtoridad, ang baril na nakuha sa Cebu ay pagmamay-ari ng lolo ng nasabing estudyante.
“Nagsisimula talaga ito sa bahay. Ano ang nagtulak sa mga batang ito para isiping ayos lang magdala ng baril, armas sa paaralan?” anang Tulfo
“Dapat maging aral ito sa lahat, sa bawat magulang at tagapangalaga. Pakiusap, kausapin ninyo ang inyong mga anak. Dapat nating itanong kung ayos lang ba sila at alamin kung ano talaga ang nararamdaman at nasa isip nila,” dagdag niya.
Binigyang-diin ng Senador na walang batang ipinanganak na likas na marahas. “Maraming sitwasyon ang pwedeng mag-trigger ng kanilang dahas, at hindi natin sila magagabayan pabalik sa tamang landas kung hindi natin sila sisimulang kausapin at intindihin nang maayos sa bahay.”
Samantala, sa isyu naman ng access ng mga bata sa baril, iginiit ni Tulfo na dapat panagutin ang mga magulang na gun owners o custodians, lalo na ang mga nagpapabaya at nag-iiwan ng armas sa mga lugar na madaling maabot ng mga bata.
Aniya, kasalukuyan nang inihahanda ang isang panukalang batas upang patawan ng pananagutang kriminal ang mga negligent o pabayang may-ari at custodian ng baril.
“Hindi na natin kailangang maghintay ng isa pang buhay na mawawala o ng karagdagang collateral damage. Kailangang magkaroon ng batas na magpapatibay sa umiiral na sistema sa pagmamay-ari ng baril,” giit ni Tulfo.
“Malinaw ang layunin: tiyaking walang bata ang makakakuha ng baril, siguraduhing responsible gun owners ang mga magulang at guardians, at tiyaking ang anumang baril na ipinagkatiwala sa pampubliko man o pribadong indibidwal ay hindi kailanman magiging instrumento ng trahedya sa kamay ng isang bata,” pagtatapos niya. Ernie Reyes