Home METRO 5 nawawalang mangingisda sa OccMin, natagpuang ligtas

5 nawawalang mangingisda sa OccMin, natagpuang ligtas

1
0

SABLAYAN, Occidental Mindoro — Natagpuang ligtas ang limang mangingisdang napaulat na nawawala matapos mangisda sa karagatan ng Santa Cruz, Occidental Mindoro, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) nitong Sabado, Agosto 22.

Kinilala ang mga ito na sina Romnick Temenia, Ronelio Temenia, Arjhay Ortea, Aldrin Bonilia at Agustin Ramirez. Sakay sila ng fishing boat na FBCA “Balong 3” at napaulat na nawawala mula Agosto 16.

Ayon sa PCG, nakaranas sila ng malalakas na hangin at maalon na karagatan habang nangingisda. Dahil dito, lumapit muna sila sa pampang at nag-angkla malapit sa Barangay Poblacion I sa Santa Cruz.

Nang bahagyang bumuti ang kondisyon ng dagat, nagtungo sila sa Sitio Tabok, Barangay Buenavista sa Sablayan upang makahanap ng mas ligtas na masisilungan.

Agad nagsagawa ng verification ang Coast Guard Sub-Station Sablayan, kasama ang Sablayan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Coast Guard Sub-Station Mamburao.

Kinumpirma ng PCG na ligtas at nasa mabuting kalagayan ang lahat ng limang mangingisda. Wala ring naiulat na nasugatan at natagpuan ang kanilang bangka na walang pinsala o problema.

Kalaunan, nagtungo ang kanilang mga pamilya sa Sitio Tabok upang salubungin at ligtas na mai-turn over sa kanila ang limang mangingisda. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here