Home TOP STORIES Syria, tinarget ng Israel

Syria, tinarget ng Israel

1
0

TEL AVIV, Israel – Sinabi ng Israel na tinarget nito ang isang umano’y “terrorist” sa southern Syria noong Sabado matapos magsagawa ng operasyon laban sa isang taong itinuturing nitong agarang banta sa mga sundalo nito.

Ayon naman sa Syrian Foreign Ministry, isang civilian vehicle ang tinamaan ng drone sa kalsada malapit sa Beit Jinn, kanluran ng Damascus. May mga sibilyang nasugatan sa insidente, ayon sa Syria. Iniulat ng state TV na isang tao ang nasugatan.

Hindi tinukoy ng Israel kung anong uri ng armas ang ginamit sa pag-atake.

Sinabi ng Syria na ang insidente ay bahagi ng umano’y paulit-ulit na pag-atake ng Israel sa teritoryo nito at tinawag itong “blatant violation” ng soberanya ng bansa. Sinabi rin nitong pananagutin ang Israel sa mga magiging epekto ng naturang mga aksyon.

Lalong tumaas ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa matapos bombahin ng Israel ang isang airbase sa northwest Syria noong Martes. Tinawag ito ng US special envoy for Syria na si Tom Barrack na “unnecessary.”

Patuloy namang may operasyon ang mga sundalong Israeli sa southern Syria. Hawak din ng Israel ang ilang teritoryo sa southwest Syria na sinakop nito matapos mapatalsik si Bashar al-Assad noong Disyembre 2024. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here