MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate President Win Gatchalian sa Department of Education (DepEd) na pabilisin ang pagkalap ng tauhan sa bagong nilikhang posisyon upang mas maayos na masuportahan ang lahat ng learners with disabilities.
Nauna nang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang 133 bagong plantilla positions, kabilang ang Senior Education Program Specialists, Education Program Specialists II, Physical Therapists II, at Occupational Therapists.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang paglikha ng mga posisyong ito ay bahagi ng pagpapatupad ng Republic Act No. 11650, o ang Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act, kung saan isa siya sa mga co-author at co-sponsor.
Layon ng batas na matiyak ang accessible na edukasyon at mga kaugnay na serbisyo para sa learners with disabilities.
“Bagama’t malaki pa ang pangangailangan natin sa mga eksperto para sa ating learners with disabilities, mahalagang unti-unti nating mapunan ang mga bagong posisyon upang matiyak ang epektibong paghahatid ng kinakailangang serbisyo at programa,” ani Gatchalian.
Inaatasan din ng batas ang unti-unting pagpapatupad ng mga probisyon nito. Kabilang dito ang pagbuo ng DepEd ng multi-year roadmap na magtatakda ng mga target, gaya ng pagtatayo ng Inclusive Learning Resource Centers (ILRCs) at paglikha ng mga plantilla positions. Ernie Reyes