CAPTION: Ang ilan sa umano’y mga sundalong Amerikano na nagtangkang pumasok sa compound ng San Jia Steel Corporation sa PHIVIDEC, MIsamis Oriental, noong Agosto 19.
MANILA, Philippines – NABIGO ang pagtatangka ng ilang sundalong Amerikano na pumasok sa isang pabrika sa Misamis Oriental upang magsagawa ng sariling imbestigasyon matapos pumalag ang ilang mga miyembro ng Philippine Army.
Sa police blotter ng Tagoloan Municipal Police Station, Misamis Oriental, nangyari ang insidente pasado 11:00 AM nitong Agosto 19, sa loob ng PHIVIDEC Industrial Estate, Bgy. Nabulod Baluarte, batay sa pahayag ng guwardiya ng Philippine San Jia Steel Corporation sa lokal na pulisya.
Batay sa ulat, biglaang dumating sa compound ng kumpanya ang mga Amerikano na nakasibilyan lulan ng ilang kulay-puting kasama kasama umano ang ilang opisyal ng PHIVIDEC.
Nagpakilala umano ang grupo bilang miyembro ng US Armed Forces na gustong magsagawa ng inspeksyon sa nasabing pabrika.
Ayon pa sa ulat, ang biglaang pagdating at panghihimasok ng mga sundalong Kano ay nagdulot ng pangamba sa mga empleyado at opisyal ng San Jia Steel.
Hinarang at hindi naman pinayagan ng mga nakatalagang miyembro ng Philippine Army ang mga sundalong Amerikano na makapasok sa loob ng kumpanya dahil sa kawalan ng permiso mula sa mga awtoridad.
Ang biglaang pagdating mga sundalong Amerikano sa San Jia Steel ang unang naitalang direktang panghihimasok ng Estados Unidos sa isang pangloob na usapin sa Pilipinas sa kasalukuyan.
Matatandaan na noong May 15, pinangunahan ni Defense Secretary Gilberto ‘Gibo’ Teodoro ang pagsalakay sa San Jia Steel, isang Chinese-owned company, sa bintang na “inaabuso” ang mga empleyadong Pilipino.
Gumagawa rin umano ang pabrika ng mga ‘substandard’ at ‘radioactive’ na mga produkto na walang permiso mula sa gobyerno.
Umabot sa 70 empleyado at opisyal na mga Chinese nationals ang dinampot, kinasuhan at ipinakulong ni Teodoro dahil sa mga umano’y paglabag sa batas ng Pilipinas kasama na ang umano’y pagiging ‘undocumented aliens’ ng mga ito.
Mariin namang itinanggi ng San Jia Steel ang mga akusasyon habang ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang mga reklamo dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensiya.
Sa imbestigasyon naman ng Chinese Embassy, pinilit pa umano ng grupo ni Teodoro na magsuot ng mga “protective gears” ang ilang mga Tsino at saka kinunan ng litrato upang palabasin sa media na ‘highly toxic’ ang mga produkto ng kumpanya. RNT/LB