MANILA, Philippines – Naglagay ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng crash guards sa accident-prone areas upang mabawasan ang epekto ng mga sasakyang bumabangga sa barrier at iba pang istruktura sa mga kalsada.
Inihalimbawa rito ang crash guard na nakalagay sa Tandang Sora Avenue kung saan natupi ang crash guard nang mabangga ng truck ngunit nakaligtas ang drayber nito.
“Dahil effective nga ‘yung crash guard…hindi po siya nasira as compared kung bumangga lang siya sa ordinary poste, or sa concrete post or sa metal post,” sinabi ni MMDA Chairperson Romando Artes.
Ngayong taon ay sinimulan ng MMDA ang paglalagay ng crash guard o crash barrier bilang bahagi ng road safety action plan na suportado ng World Health Organization.
Ayon sa MMDA, 445 katao ang namamatay sa road crash sa Metro Manila kada taon.
Layon ng mga crash guard na ito na mabawasan ang road crash fatalities ng 35% pagsapit ng 2028.
Ang unang crash guard ay inilagay sa C-5.
“Base sa aming pag-aaral, ito pong crash guards na ito ay makakatulong dahil instead po nasa sasakyan na pupunta yung impact noong pagkabangga, ay naa-absorb po nitong mga crash guards,” ani Artes. RNT/JGC