Home METRO Angat Dam, posibleng bumaba sa minimum operating level pagsapit ng Pebrero 2027

Angat Dam, posibleng bumaba sa minimum operating level pagsapit ng Pebrero 2027

1
0

MANILA, Philippines – Posibleng bumaba sa minimum operating level na 180 metro ang tubig sa Angat Dam pagsapit ng katapusan ng Pebrero 2027 dahil sa umiiral na El Niño, ayon sa PAGASA.

Dakong alas-8 ng umaga nitong Huwebes, nasa 210.23 metro ang water level ng dam, bahagyang mas mataas sa normal high water level nitong 210 metro.

Ayon sa mga hydrologist, nanatiling mataas ang tubig sa dam nitong nakalipas na dalawang linggo dahil sa mga pag-ulan sa watershed na dulot ng Easterlies, Shear Line at localized thunderstorms.

Gayunman, inaasahang bababa nang malaki ang pag-ulan sa mga susunod na buwan, kaya unti-unti ring hihina ang antas ng tubig sa dam.

Batay sa projection ng PAGASA, halos 60 porsiyentong mas mababa sa normal ang pag-ulan sa Disyembre, kaya posibleng bumaba sa 202.06 metro ang water level pagsapit ng katapusan ng taon.

Sa Enero, inaasahang aabot sa halos 80 porsiyento ang kakulangan sa ulan, na maaaring magpababa sa water level sa 191.75 metro. Pagsapit naman ng Pebrero, tinatayang aabot sa 99 porsiyento ang pagbaba ng pag-ulan, na posibleng magdala sa antas ng tubig sa 180.05 metro.

Nakabatay ang mga projection sa nakatakdang dam allocation na 75 cubic meters per second sa loob ng tatlong buwan.

“Pwede pa po itong magbago base dun sa actual na magiging pag-ulan sa watershed at dun sa magiging actual na dam allocation ng mga ito, and also kung ano yung mga adjustment or intervention na pwedeng gawin ng mga dam managers,” ayon kay PAGASA hydrologist Ailene Abelardo.

Kapag umabot sa minimum operating level ang dam, uunahin ang suplay ng tubig para sa domestic use habang babawasan o ihihinto ang alokasyon para sa irigasyon at hydroelectricity.

Posible namang magkaroon ng water service interruptions kapag bumaba sa kritikal na antas na 160 metro ang tubig.

Noong Hulyo 25, umabot sa pinakamababang naitalang antas na 150.60 metro ang Angat Dam dahil sa kakulangan ng ulan sa Luzon. Gayunman, hindi nagpatupad ng water service interruptions ang mga water concessionaire noon.

Pagsapit ng katapusan ng Agosto, umakyat sa 200 metro ang water level dahil sa pinalakas na pag-ulan dulot ng Habagat.

Nagbibigay ang Angat Dam ng mahigit 90 porsiyento ng pangangailangan sa tubig ng Metro Manila at mga karatig-probinsiya. Paulit-ulit namang tiniyak ng Maynilad at Manila Water na sapat ang suplay ng tubig sa kabila ng banta ng Super El Niño. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here