Home METRO Sunog sa imbakan ng karbon sa Bataan, pinaiimbestigahan ng grupo

Sunog sa imbakan ng karbon sa Bataan, pinaiimbestigahan ng grupo

4
0

BATAAN, Philippines – Hinimok ng Nuclear/Coal Free Bataan Movement (NCFBM) ang mga awtoridad na imbestigahan ang iniulat na sunog sa stockyard ng Limay Power Station sa Barangay Lamao, Limay, Bataan.

Ayon sa ulat, nagsimula ang sunog dakong alas-5 ng hapon noong Miyerkules sa stockyard na pinaniniwalaang imbakan ng karbon.

Sa isang panawagan sa social media noong Miyerkules ng gabi, sinabi ni Joshelle Magracis, youth leader ng NCFBM, na hindi dapat hintayin ng mga awtoridad na lumala ang sitwasyon bago magsagawa ng mga hakbang para maprotektahan ang publiko.

Ayon sa NCFBM, nakaranas ang ilang residente ng paglanghap ng makapal na usok at maitim na abo, gayundin ng matapang na mabahong amoy. May ilan din umanong nahirapang huminga at nangailangan ng tulong medikal.

Sinabi naman ng isang source mula sa Limay command center sa isang panayam dakong alas-2 ng madaling araw nitong Huwebes na idineklara nang kontrolado ang sunog, ngunit hindi ito nagbigay ng karagdagang detalye.

Pagsapit ng alas-7 ng umaga, iniulat pa rin ng mga residente na may usok na nagmumula sa lugar ng sunog. Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.

Wala pang inilalabas na kumpletong ulat ang Bataan police at Bureau of Fire Protection (BFP) tungkol sa insidente.

Matagal nang nananawagan ang NCFBM na tuluyang alisin ang paggamit ng coal-fired power plants at hinimok ang pamahalaan na unahin ang kapakanan ng publiko at pangangalaga sa kalikasan kaysa interes ng mga korporasyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here