Home TOP STORIES NLAP: Huwag ipilit LPG swapping guidelines kung consumers maaapektuhan

NLAP: Huwag ipilit LPG swapping guidelines kung consumers maaapektuhan

1
0

MANILA, Philippines — Iginiit ng National LPG Alliance of the Philippines Inc. (NLAP) na hindi dapat ipilit ang proposed guidelines para sa LPG Cylinder Swapping Centers kung magdudulot umano ito ng dagdag na pasanin sa consumers at maliliit na LPG industry players.

Sa pagpapatuloy ng public consultation ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), sinabi ni NLAP President Jose “Jojo” Cruz kay OIMB Director Rino E. Abad na dapat isaalang-alang ang magiging epekto ng programa sa publiko.

“Huwag nating ipilit ang isang bagay para lamang ma-satisfy ang batas kung ang maaapektuhan at magdurusa ay ang consumer o taumbayan,” ayon kay Cruz.

Kinukuwestiyon ng NLAP ang ilang bahagi ng draft LPG Cylinder Swapping Center Operational Guidelines, partikular kung sino ang mamamahala sa operasyon ng swapping centers.

Ayon kay Cruz at ilang independent LPG dealers, mas nais nilang magkaroon ng mas direktang papel ang gobyerno sa pamamahala ng swapping centers sa halip na ipaubaya ito sa industry marketers.

Pangamba ng grupo na maaaring magkaroon umano ng conflict of interest o hindi patas na bentahe kung ang mga kumpanyang direktang kalahok sa LPG market ang magkakaroon ng kontrol sa operasyon.

Ang naturang pangamba ay posisyon ng NLAP at hindi pa finding ng DOE o ibang government regulator.

Sa updated draft guidelines, ang Regional Program Implementation Task Force (RPITF) ang nakatalagang mag-accredit ng LPG cylinder swapping centers. Kailangan din ang bawat center na magkaroon ng officially designated management team na mamamahala sa pondo at operasyon nito. Hindi tahasang itinatakda sa draft na marketers lamang ang maaaring mamahala sa swapping center.

Nakasaad din sa draft na ang swapping operations at direct swapping arrangements ay sasailalim sa accreditation at supervision ng RPITF.

Sa ilalim naman ng Republic Act No. 11592 o LPG Industry Regulation Act, inaatasan ang DOE at Department of Trade and Industry (DTI) na bumuo ng LPG Cylinder Exchange and Swapping Program sa konsultasyon sa LPG industry participants, consumer groups at iba pang public at private stakeholders.

Nakasaad din sa batas na dapat maging fair, reasonable at non-discriminatory ang mga arrangement sa ilalim ng programa at dapat ikonsulta sa consumers at industry participants ang anumang arrangement na maaaring magpataas nang malaki sa retail price ng LPG.

Nanawagan din si Cruz sa Kongreso na repasuhin ang RA 11592 kung kinakailangan upang higit umanong maprotektahan ang independent LPG players at consumers laban sa posibleng concentration ng kontrol sa industriya.

Sinabi rin ni Cruz na handa ang NLAP na kuwestiyunin sa korte ang magiging guidelines sakaling naniniwala silang hindi nito sapat na napoprotektahan ang consumers at maliliit na industry players.

Samantala, nagpapatuloy ang serye ng public consultations ng DOE para sa proposed LPG Cylinder Swapping Center Operational Guidelines bago ito tuluyang ma-finalize. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here