TAGUIG CITY, Philippines – Dalawang estudyante ang nasa kustodiya ngayon ng pulisya matapos matukoy na may kaugnayan sa pag-post ng online threats laban sa mga paaralan sa Taguig City.
Ayon sa Taguig City government, sinabi ng isa sa mga estudyante na ginamit ng kanyang kaklase ang kanyang social media account para i-post ang banta. Sinuri rin ng mga awtoridad ang isang video ng baril na iniuugnay sa threat, ngunit nakumpirmang hindi ito kinunan ng dalawang estudyante at na-download lamang mula sa Facebook.
Nagbabala ang pamahalaang lungsod na haharap sa kaukulang kaso ang sinumang mapatunayang responsable.
Kabilang sa mga paaralang tinarget ng mga banta ang Taguig National High School, Maria Asuncion Rodriguez Tiñga High School, at Moreh Academy Taguig. Partikular na binanggit sa mga post ang mga Grade 7 at Grade 9 students bilang target.
“Binabalaan namin yung Taguig National High School at Maria Asuncion Rodriguez Tiñga, magkakaroon ng duguan sa Lunes… bawat Grade 7 room ang aming target… since nauuso na ang barilan, kayo ang aming pupuntahan.”
Samantala, sinabi ng Moreh Academy na Aug. 25 na muling magbubukas ang face-to-face classes nito at nagsasagawa na ng mga hakbang para sa kaligtasan ng mga estudyante at staff.
Pinaigting din ang seguridad sa mga paaralan. Nagsasagawa ng bag inspections at security sweeps ang pulisya, barangay personnel, at school security.
Sinabi naman ng Schools Division Office of Taguig and Pateros na magpapatuloy ang klase sa lahat ng antas ayon sa iskedyul. Patuloy ding mamamalagi ang dagdag na security personnel sa mga campus.
Ang mga magulang na pipiliing huwag munang papasukin ang kanilang mga anak ay sinabihang magbibigay ang mga guro ng online activities upang hindi maantala ang kanilang pag-aaral. RNT/MDS







