PAMPANGA, Philippines – Personal na binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang evacuation center sa Bacolor, Pampanga, para i-tsek ang kondisyon ng mga flood-affected families at pangasiwaan ang nagpapatuloy na relief at assistance efforts ng gobyerno.
Partikular na binisita ng Pangulo ang Bacolor Integrated School Evacuation Center sa Barangay Cabambangan, kung saan nakipag-ugnayan siya sa mga bakwit at nagsagawa ng distribusyon ng P10,000 cash assistance sa mga pinuno ng mga apektadong pamilya sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kasama ng Pangulo sina DSWD Secretary Rex Gatchalian, Pampanga Vice Governor Dennis Pineda, Bacolor Mayor Eduardo Datu, at iba pang national at local government officials.
Sa pagdating ng Pangulo, binisita nito ang mga silid-aralan na nagsisilbing evacuation areas at nakipag-usap sa mga bakwit bago pa tumuloy sa covered court, kung saan nagsagawa ng pamamahagi ng cash assistance.
Ang AICS program ng DSWD ay nagbigay ng financial, material, at psychosocial assistance sa mga indibiduwal at pamilya na nakararanas ngn krisis o hindi inaasahang mga pangyayari sa buhay.
‘As of August 23,’ may 216 pamilya o 836 indibiduwal ang namamalagi sa evacuation center, kung saan tinatayang 16 na araw na silang namamalagi roon.
Bago pa dumating ang Pangulo, namahagi na ang DSWD ng family food packs at nagbigay ng hot meals sa mga bakwit sa pamamagitan ng Mobile Kitchen.
Tinatayang may 11 aktibong evacuation centers sa Bacolor na nagsisilbi sa 559 pamilya o 2,221 indibiduwal.
Sa Pampanga, iniulat ng DSWD na may kabuuang 315,807 pamilya, o 1.01 milyong indibiduwal, ang apektado ng Southwest Monsoon at tropical cyclones Luis, Maymay, and Neneng. Sa nasabing bilang, may 3,118 pamilya o 11,308 indibiduwal ang nananatlli sa mga evacuation centers.
Sinabi ng mga awtoridad, ang pagbaha ay naiulat sa mga lungsod at munisipalidad ng Candaba, Santa Ana, Macabebe, San Simon, Apalit, Guagua, Lubao, Mexico, San Luis, Minalin, Bacolor, Arayat, San Fernando, Magalang, Masantol, Porac, Santo Tomas, at Sasmuan.
Makikita rin sa report na may 10 lansangan, mga pasilidad ng gobyerno at flood-control structures ang nagtamo ng pinsala, May apat na bahay ang totally damaged at 47 naman ang partially damaged.
Winika pa rin ng mga awtoridad na ang pinsala sa agrikultura ay umabot na sa P423.84 million, naapektuhan ang 8,742 magsasaka at mangingisda. Idineklara naman ang state of calamity sa buong Pampanga noong Agosto 12, 2026.
Nagbigay ang DSWD ng P243.37 milyong halaga ng tulong sa mga apektadong pamilya. Ginawa naman nitong available ang P2.63 million na standby funds at 127,947 family food packs sa Regional Field Office III nito.
May karagdagang family food packs ang available sa DSWD Disaster Resource Centers at iba pang field offices at maaaring mag-deploy para dagdagan ang relief assistance para sa mga apektadong pamilya sa Central Luzon.
Para naman sa flood mitigation, nagsasagawa naman ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng maintenance and declogging activities sa kahabaan ng drainage systems at waterways sa Pampanga.
Samantala, nagpanukala naman ang DPWH ng ilang long-term interventions para tugunan ang pangmatagalan pagbaha sa mga lalawigan, kabilang na ang dredging works; Phase 2 ng Pampanga Delta Development Project; konstruksyon ng Central Luzon Pampanga River Floodway at Rio Chico Control Structure; pagtatayo ng Manila Bay Coastal Defense Dike Project, saklaw ang Metro Manila, Bulacan, Pampanga, at Bataan; at konstruksyon ng ‘revetments, culverts, detention basins, at mga dam’. (KRIS JOSE)