MANILA, Philippines – Posibleng ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa Nobyembre 2 at gawin na lamang pagkatapos ng 2028 elections, ayon kay dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon.
Sinabi ni Guanzon na ibinatay niya ang pahayag sa mga naunang sinabi ni House Majority Leader Sandro Marcos, na mas mainam umanong gamitin ang pondo para sa mas mahahalagang pangangailangan ng bansa kaysa sa BSKE.
“You take the cue from Majority Leader Sandro Marcos. Niingon siya di ba nga postpone na lang ni kay magamit yong pera sa ibang bagay. Kapag nagsalita si Sandro you listen to him kay he is really the kuan there, the kingpin in the House. I don’t think mahinayon ni siya this year,” ani Guanzon.
Ayon kay Guanzon, maaaring may kinalaman din sa “control” ang pagpapaliban dahil maaari umanong gamitin ang mga kasalukuyang barangay officials sa pangangampanya para sa presidential at senatorial elections sa 2028.
Samantala, sumuporta si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga panawagang ipagpaliban ang BSKE at pag-aralan ang mga hakbang na maaaring magpahusay sa government efficiency at makatipid sa pondo.
Nauna ring sinabi ni Rep. Sandro Marcos na maaaring makatipid ang gobyerno ng ₱25 bilyon hanggang ₱30 bilyon kung ipagpapaliban ang halalan. Maaari umanong gamitin ang matitipid para sa iba pang pangangailangan ng mga Pilipino.
Gayunman, sinabi ni Guanzon na marami pa ring mamamayan ang nais nang magkaroon ng halalan dahil pagod na sila sa ilang barangay officials na umano’y hindi mahusay maglingkod o nasasangkot sa korapsyon.
“Ang mga tawo gusto na pud nga maybe eleksyonon ta na lang ni para naa poy chance ang uban.”
Sinabi rin niya na kapag masyadong matagal nananatili sa kapangyarihan ang ilang barangay officials, maaaring lumala ang kanilang pagganap.
“Basta madugay na gani poder, it doesn’t get better,” ani Guanzon.
Dagdag niya, patuloy na hinihingi ng mga residente ang mas maayos na serbisyo mula sa kanilang barangay, lalo na sa health care. RNT/MDS