QUEZON, Philippines – Idineklara ng lokal na pamahalaan ng Catanauan ang state of calamity dahil sa matinding epekto ng Super El Niño, na nagdulot ng tinatayang P147 milyong pinsala sa sektor ng agrikultura at pangingisda.
Ayon kay Mayor Ramon Orfanel, inaprubahan ng konseho ng bayan ang rekomendasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) matapos mapinsala ang mga pananim na niyog, palay at gulay, gayundin ang sektor ng pangingisda.
Dahil sa deklarasyon, maaari nang gamitin ng lokal na pamahalaan ang Quick Response Fund upang magbigay ng tulong sa mga residenteng apektado ng matagal na tagtuyot, partikular sa mga magsasaka.
Tinutukoy na rin ng munisipyo ang partikular na pangangailangan ng bawat komunidad upang matiyak na angkop ang maibibigay na tulong.
Kasabay nito, magkakaroon ng price freeze sa mga pangunahing bilihin na ipatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI).
Pinakamalaki ang pinsala sa mga nagtatanim ng niyog, na tinatayang umabot na sa P95 milyon ang pagkalugi, batay sa Municipal Agriculture Office.
Ayon sa mga magsasaka, bumaba na sa 0.5 hanggang 0.75 kilo ang karaniwang bigat ng bawat niyog mula sa dating isa hanggang 1.5 kilo dahil hindi lubusang lumalaki ang bunga dulot ng matinding init.
Nakikipag-ugnayan na rin ang lokal na pamahalaan sa Department of Agriculture upang makakuha ng mga pananim na angkop sa tuyong kondisyon. Kabilang sa pinag-aaralang alternatibong kabuhayan ang pagtatanim ng paminta at luya sa mga apektadong barangay.
“Gaya po dito sa sektor ng agrikultura na lubha pong apektado ng nangyayaring Super El Niño, kami po ay nakikipag-ugnayan na sa national government tungkol po sa pagbibigay ng iba’t ibang mga pananim na angkop sa panahon ng tagtuyot. Halimbawa po, tinitingnan na namin ang posibilidad na magtanim ng paminta o luya sa mga barangay na apektado bilang kapalit na means of livelihood,” pahayag ng alkalde.
Kabilang sa mga barangay na lubhang naapektuhan ang Cawayanin Ibaba, Tagbacan Silangan at Tagbacan Ilaya.
Bagama’t nakararanas pa rin ng pag-ulan ang bayan, sinabi ni Orfanel na kulang ang dami at tagal nito para matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka.
Batay sa pagsusuri ng MDRRMC, halos kalahati na lamang ng karaniwang dami ng ulan sa nakalipas na limang taon ang natatanggap ng Catanauan sa kasalukuyan.
“Nagkaroon din ng pag-aaral ang MDRRMC kung saan tinignan namin yung average rainfall noong mga nakaraang limang taon dito sa aming bayan at napag-alaman namin na yung average rainfall for the last five years kumpara sa rainfall ngayon ay halos kalahati lang ang natatanggap dito. Umuulan po dito sa totoo lang pero napakaiksi, napakahina,” aniya.
Apektado rin ng El Niño ang mga pinagkukunan ng tubig ng water district sa bayan. Dahil dito, naghahanap ang lokal na pamahalaan ng mga alternatibong pagkukunan ng tubig upang madagdagan ang suplay habang nagpapatuloy ang tagtuyot. RNT/MDS