MANILA, Philippines – Inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga police unit na paigtingin ang pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na paggawa, pagbebenta, pamamahagi at paggamit ng mga paputok at pyrotechnic device sa nalalapit na holiday season.
Ayon kay Nartatez, inaasahang tataas ang bentahan ng mga paputok sa susunod na buwan kaya kailangang tiyakin hindi lamang ang ligtas na paggamit ng mga ito kundi pati ang pagsunod sa mga safety measure sa paggawa.
Naglabas siya ng direktiba kasunod ng insidente sa Tangub City, Misamis Occidental, kung saan hindi bababa sa 18 katao ang nasugatan matapos sumabog patungo sa mga manonood ang mga materyales sa isang fireworks display.
Naganap ang insidente sa grand opening ng Christmas Festival of Lights 2026.
“As we welcome the holiday season, we want to underscore the importance of responsible celebration through strict regulation of fireworks and pyrotechnic devices,” ani Nartatez.
Sinabi rin ng PNP chief na iniimbestigahan na ng lokal na pulisya ang insidente upang matukoy ang sanhi nito at ang mga posibleng managot.
“Festive traditions must never come at the expense of public safety and must not be measured with loud firecrackers but by the absence of injuries,” dagdag niya.
Inatasan din niya ang mga lokal na police office sa lahat ng antas na higpitan ang monitoring at operasyon upang maiwasan ang kahalintulad na aksidente habang dumarami ang mga pagtitipon ng publiko sa pagtatapos ng taon.
“We remain steadfast in implementing existing laws and other regulations on the use of these fireworks.
“Our local police offices are tasked to intensify monitoring and law enforcement operations on the manufacture, sale, distribution, and use of fireworks and other pyrotechnic devices this holiday season,” aniya. RNT/MDS