MANILA, Philippines – Inamin ng dating special disbursing officer (SDO) ng Office of the Vice President (OVP) na si Gina Acosta na ipinamahagi o idiniburse niya ang nagkakahalagang P500 milyong confidential funds ng tanggapan sa isang opisyal na hindi awtorisado o walang pananagutan sakaling mawala ang mga pondo.
Ginawa ni Acosta ang pag-amin sa gitna ng direct examination sa ika-17 araw ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Matatandaang ibinunyag na ni Acosta sa Senate impeachment court na idiniburse niya ang P500 milyong confidential funds ng OVP kay Colonel Raymund Lachica, ang commanding officer ng Presidential Security and Protection Group.
Agad namang tinuran ni Ligutan, “Disbursed. That’s the first time we are hearing that.”
Ipinunto ni Ligutan na ang ganitong sistema ng disbursement ay labag sa Section 6 ng 2015-01 Joint Circular na nag-aatas sa paggamit ng confidential and intelligence funds. Nakasaad dito na ang mga cash advance para sa naturang pondo ay dapat kunin lamang ng mga opisyal na itinalaga at bonded na SDO o Head of Agency para sa implementasyon ng kaukulang programa, aktibidad, at proyekto, at may pagsang-ayon ng ahensya.
Mahigpit ding ipinagbabawal ng parehong probisyon ang paggamit ng cash advance bilang reimbursement ng mga gastusin bago pa man maaprubahan o maibigay ang pondo.
Nang tanungin kung ginawa niya ang desisyong idisburse ang pondo kay Lachica sa kabila ng pagbabawal ng Joint Circular, sinabi ni Acosta: “Dinisburse ko po kay Colonel Lachica.”
Pumasok naman sa pagtatanong si Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero upang linawin kung si Lachica ay isang bonded officer o accountable person gaya ni Acosta noong siya ang SDO.
“Hindi po siya bonded, your honor, pero ako po ang accountable person, your honor. That is why I was the one who did the liquidation report, your honor,” tugon ni Acosta.
Dagdag pa rito, lumabas din sa pagtatanong nina Escudero at Ligutan na wala umanong personal na kaalaman si Acosta kung ang confidential funds ay talagang napunta sa mga lehitimong benepisyaryo, kabilang na ang mga may kakaibang pangalan. Gail Mendoza (larawan kuha ni Cesar Morales)