Home NATIONWIDE PNP nanawagan sa media na mag-ingat sa pag-uulat ng school violence

PNP nanawagan sa media na mag-ingat sa pag-uulat ng school violence

2
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa media na maging maingat sa pag-uulat tungkol sa school violence, kasunod ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University (ADZU) na ikinamatay ng dalawang estudyante, kabilang ang gunman.

Ayon kay PNP public information chief Col. Allen Rae Co, kailangang balansehin ang karapatan ng publiko na malaman ang nangyari at ang panganib na ma-glorify ang karahasan.

“We have to strike the proper balance between letting the public know as well as yung nago-glorify pa minsan. We have to find the sweet spot,” ani Co.

Sinabi rin niyang iginagalang ng PNP ang freedom of expression at karapatan ng publiko sa impormasyon, ngunit dapat suriin kung sobra na ang ilang ulat tungkol sa insidente.

Ang ADZU shooting ay kinasangkutan umano ng isang Grade 8 student na may dalang dalawang baril na pag-aari ng kanyang ama, isang suspendidong opisyal ng Bureau of Customs. Napatay umano niya ang isang Grade 10 student, nasugatan ang isa pa, bago niya ginamit ang isa sa mga baril laban sa kanyang sarili.

Nauna nang sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na nai-livestream umano ng estudyante ang insidente sa Facebook at isa pang website, na parang first-person shooter game.

Agad ding kumalat online ang livestream at mga uncensored na larawan ng 14-anyos na suspek.

Dahil dito, nanawagan ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas sa mga media outlet, mamamahayag, content creator at social media users na protektahan ang mga menor de edad at unahin ang dignidad at kapakanan ng mga biktima.

“We cannot dictate. May freedom of expression tayo, especially of the media. Yung apela na lang ng PNP is to help each other para yung impormasyon na nakakarating sa ating mga kababayan ay yung tama lamang o yung totoo,” ayon kay Co.

Dagdag niya, nasa discernment ng bawat isa kung alin ang nararapat na ibahagi o iulat. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here