Home NATIONWIDE Social media, sinisisi ni Padilla sa bullying, suicide; access ng menor...

Social media, sinisisi ni Padilla sa bullying, suicide; access ng menor pinahihigpitan

1
0

MANILA, Philippines – Binanggit ni Sen. Robinhood Padilla ang bullying, kaso ng pagpapakamatay, at school shootings bilang pangunahing kadahilanan kung bakit kailangang higpitan ang access ng menor de edad sa social media.

“Itong panukala na ito kinakailangan itong isagawa kaagad sapagkat marami nang naidulot na hindi maganda sa ating kabataan lalo na sa mga menor de edad,” ani Padilla sa Super Radyo dzBB nitong Linggo, Oktubre 11.

“Nandiyan ‘yung mga tinatawag nating bullying, Nagkaroon na tayo ng napakaraming suicide. Nagkaroon na tayo ng maraming mass shooting, school shooting. Lahat ‘yan patong-patong na,” dagdag niya.

Mas maaga ngayong linggo, naipasa na ng Senado ang panukalang nagbabawal sa mga menor de edad na gumawa ng social media account at nagrerequire na i-disable o i-suspend ang mga existing account nila.

Ang Senate Bill 2424 o ang Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces o SMART Kids Act ay naglalayong pagbawalan ang mga 17 taong gulang pababa na mag-access sa social media at iba pang mapanganib na digital applications at websites.

Sa Kamara naman, naipasa na sa ikalawang pagbasa ang kahalintulad na panukala, pero ang bersyon nila ay 13 taong gulang pababa ang binabawal gumawa ng social media account.

“Yung may nakakausap ang problema”

Ipinaliwanag ni Padilla na ang layunin ng batas ay pigilan ang mga 17 taong gulang pababa na makisalamuha sa social media.

“Ang ipagbabawal natin sa kabataan ‘yung mayroong social media interaction, ‘yung may nakakausap. ‘Yun ‘yung problema, eh nagkakaroon tayo diyan ng kababaihan, ‘yung nude photos. Talagang sobra na eh,” ani Padilla.

Gayunman, tumutol si Padilla sa panukalang patawan ng franchise requirement ang mga social media platform.

Ayon sa kanya, sobra ito at maaaring ikagalit ng publiko. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here