MANILA, Philippines – Inamin ng dating Special Disbursing Officer (SDO) ng Office of the Vice President (OVP) na si Gina Acosta na hindi niya alam kung bakit siya dalawang beses pinili ni Bise Presidente Sara Duterte upang mangasiwa ng mga pondo sa ilalim ng kanyang tanggapan, habang binusisi ng prosekusyon ng Kamara ang kanyang mga kuwalipikasyon para sa sensitibong posisyon.
Sa pagpapatuloy ng paglilitis sa Senado, itinuon ng abugado ng prosekusyon na si Amando Virgil Ligutan ang kanyang pagsisiyasat sa pinag-aralan ni Acosta at sa kawalan nito ng special na pagsasanay sa mga confidential activities matapos hawakan ang P500 milyong confidential funds ng OVP.
Si Acosta, na humarap bilang hostile witness, ay nagtapos ng kursong customs administration sa MATS College of Technology sa Davao City at hindi kumuha ng licensure examination. Kinumpirma rin niya na wala siyang pormal na pagsasanay sa mga confidential operations, bagamat iginiit niyang wala sa mga alituntunin na nag-aatas ng naturang pagsasanay para sa isang SDO.
Tinukoy ni Ligutan at ng Presiding Officer na si Senador Francis “Chiz” Escudero kung bakit si Acosta ang napili sa kabila ng kakulangan sa karanasan sa parehong lokal na pamahalaan ng Davao at sa OVP.
“Kung wala kayong training sa confidential activities, bakit po kayo ang napili bilang SDO para panghawakan ang confidential fund? Hindi lamang ng OVP, pati ng sa Davao po,” tanong ni Escudero.
“Hindi ko alam po, Your Honor, kung bakit ako po ang kinuha ng Vice Presidente as SDO,” tugon ni Acosta.
Nang tanungin kung siya ay itinalaga dahil susundin lamang niya ang mga utos nang walang pag-aalinlangan, sinabi ni Acosta na ginagawa lamang niya ang kanyang tungkulin bilang SDO. Sa pagpapatuloy ng pagtatanong, tinutulan ng depensa ang ilang katanungan na tinawag nilang argumentative, subalit iginiit ng prosekusyon ang kahalagahan ng common sense at pananagutan sa paghawak ng malaking halaga ng pondo ng bayan.
Binanggit din sa pagdinig ang Joint Circular 2015-01, na nagtatakda na ang SDO ang siyaang may kapangyarihan na magdisburse ng mga pondo. Ayon kay Acosta, siya ang direktang naglabas ng pera habang si Col. Raymund Dante Lachica, ang itinalagang security officer ni Duterte, ang siyang nagpatupad ng mga aktibidad.
Una nang inamin ni Acosta na naglabas siya ng apat na tranche na tig-P125 milyon na umabot sa kabuuang P500 milyon mula sa confidential funds ng OVP simula Disyembre 2022 hanggang sa ikatlong quarter ng 2023, kung saan si Lachica ang tumanggap ng pera. Gail Mendoza