LAGUNA, Philippines – Dead on arrival sa pinaka malapit na pagamutan ang isang obrero matapos itong saksakin sa mukha ng isa sa dalawang hindi nakikilalang salarin, kahapon sa Calauan – Bay Road, Barangay Dila Bay, Laguna.
Kinilala ang biktima na wala ng buhay nang dumating sa Bay District Hospital na si alyas Joseph, nasa hustong gulang, naninirahan sa Barangay Real Calamba City, Laguna.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas- 2:55 ng hapon habang ang biktima na abala sa pakikipag- inuman sa bahay ng isang kamag-anak nito nang biglang dumating ang dalawang hindi nakikilalang suspek kung saan kaagad na inundayan ng saksak sa mukha ang biktima.
Nabatid sa ulat na matapos maisakatuparan ang isinagawang krimen ay mabilis na tumakas ang dalawang suspek lulan ng tricycle patungo sa direksyon ng Calauan, Laguna na pawang nakasuot ng kulay dilaw at berdeng T- shirt, short pants, bandana at tsinelas.
Samantalang patuloy ang imbestigasyon ng Bay Municipal Police Station para matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek at agarang ikadarakip ng mga suspek. /Ellen Apostol