MANILA, Philippines — Asahang tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo simula Martes, Agosto 25, na inaasahang dagdag-pasanin sa mga motorista at iba pang gumagamit ng langis.
Ayon sa Department of Energy (DOE), pinakamalaki ang magiging dagdag-presyo sa diesel na aabot sa P2.31 kada litro.
Samantala, tataas naman nang hanggang P1.08 kada litro ang presyo ng gasolina, habang hanggang 95 sentimos kada litro naman ang dagdag sa kerosene.
Sinabi ng DOE sa media briefing nitong Lunes na ipatutupad ng mga lokal na retailer ng langis ang naturang price adjustments simula Agosto 25.
Sa kabila ng inaasahang pagtaas, tiniyak ng ahensya na sapat pa ang suplay ng produktong petrolyo sa bansa. Batay sa datos ng DOE, may fuel inventory ang Pilipinas na katumbas ng 47.22 araw na suplay.
Nauna nang sinabi ni Jetti Petroleum president Leo Bellas na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis ay may kaugnayan pa rin sa nagpapatuloy na giyera sa Middle East, isang pangunahing rehiyon na gumagawa at nagsusuplay ng langis sa pandaigdigang merkado.
Dahil dito, posibleng maramdaman ng mga motorista ang dagdag-gastos sa kanilang biyahe, habang maaari rin itong magkaroon ng epekto sa presyo ng transportasyon at iba pang produktong nakadepende sa petrolyo. JAY Reyes