MANILA, Philippines – Iginiit ni House Prosecution Spokesperson at Adviser Robert Ace Barbers na ang testimonya ng Special Disbursing Officer (SDO) na si Gina Acosta ay lalo lamang nagpatibay sa argumento ng prosekusyon na direktang nag-utos si Bise Presidente Sara Duterte na ilipat ang ₱125 milyong confidential funds kay Col. Raymund Dante Lachica.
Ayon Barbers, malinaw na naestablisa sa naging paglilitis ang pag-withdraw ng ₱125 milyon, ang pisikal na pagtanggap ni Acosta sa pera, at ang direktiba ni Duterte na i-turn over ito kay Lachica.
“Ang mahalaga ay ang mismong accountable officer ang nagpatunay na hindi niya gagawin ang paglilipat kung wala ang utos ng Bise Presidente. Iyan ay direktang ugnayan sa pagitan ng Bise Presidente at ng aktuwal na disposisyon ng pondo.” ayon kay Barbers.
Naging malinaw din sa testimonya ni Acosta ang mga katanungan hinggil sa awtoridad ni Lachica upang tanggapin ang pera. Ayon kay Barbers, ipinahiwatig ng mga sagot ni Acosta na si Lachica ay hindi ang awtorisadong SDO para sa nasabing transaksyon, sa kabila ng katotohanang sa kanya ibinigay ang malaking halaga.
Kapansin-pansin din, ayon kay Barbers, ang pag-amin ni Acosta na ang pangalan ni Lachica ay hindi lumitaw sa mga dokumentong isinumite sa Commission on Audit (COA) upang suportahan ang transaksyon.
Samantala, inamin ni Barbers na bukas pa rin ang House prosecution panel sa posibilidad na hilingin sa Senate Impeachment Court na magpalabas ng subpoena laban kay Lachica, matapos siyang paulit-ulit na tukuyin ni Acosta bilang ang tumanggap at nagpatupad ng mga confidential funds ng tanggapan.
Ani Barbers, sa ngayon ay wala pang pinal na desisyon habang sinusuri pa kung kailangan pa ang testimonya ni Lachica upang palakasin ang kanilang kaso.
Si Lachica, na dating pinuno ng Vice Presidential Security and Protection Group at itinalagang OVP security officer, ay naging sentro ng mga pahayag ni Acosta matapos ibunyag na inutusan siya ni Duterte na ibigay ang unang tranche ng confidential funds na nagkakahalaga ng P125 milyon noong Disyembre 2022, gayundin ang tatlo pang tranche noong 2023.
Ayon kay Acosta, si Lachica ang nagbigay ng mga operational input, nagpatupad ng mga aktibidad, at nag-sumite ng mga ulat ukol sa paggamit ng pondo.
“If we feel that there is a need to add more witnesses, then we will probably ask the Impeachment Court to subpoena those people,” pagtatapos ni Barbers. Gail Mendoza