MANILA, Philippines – Mas marami pang kakaibang pangalan ang lumitaw sa mga acknowledgment receipts para sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), habang binusisi ng prosekusyon ng Kamara kung personal na matitiyak ng dating special disbursing officer (SDO) na si Gina Acosta na ang mga nasabing indibidwal ay aktuwal na nakatanggap ng pera.
Kabilang sa mga pangalang nasa mga resibong iprinisenta sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte ay sina Antonio Pagong, Timon Andrew Pusa, Don Piang, Shane Ngitngit, at Xuniso P. Belat.
Ang mga resibo ay nagpapakita ng mga halagang mula P100,000 hanggang P250,000 para sa mga gastusin tulad ng pagbili ng impormasyon at pag-upa ng mga sasakyan.
Nang tanungin ng abugado ng prosekusyon na si Amando Virgil Ligutan si Acosta kung personal niyang nakita si Col. Raymund Dante Lachica na ibinigay ang pera kay Antonio Pagong, sinabi ni Acosta na hindi niya ito nasaksihan.
“I didn’t see him, Your Honor, because I wasn’t on the ground. He was the one who implemented it, Your Honor,” pahayag ni Acosta.
Ang mga bagong pangalan ay dagdag pa sa mga naunang mga kontrobersiyal na pangalan gaya nina si Mary Grace Piattos, na naging sentro ng mga naunang pagdinig sa Kamara matapos kwestyunin ng mga mambabatas ang tunay nitong pagkatao.
Hindi napatunayan sa pagdinig kung ang mga pangalang tulad nina Pagong, Pusa, Piang, Ngitngit, at Belat ay mga tunay o kathang-isip na tao.
Sa gitna ng direct examination inamin ni Acosta na wala syang personal na kaalaman kung ang perang dinisburse nya kay OVP Security Officer Col Raymund Dante Lachica ay aktuwal na natanggap ng mga inidbiwal na nasa resibo.
Direktang tinanong ng Presiding Officer ng Impeachment Court na si Senador Francis “Chiz” Escudero si Acosta tungkol dito.
“You have no personal knowledge that the money was actually given to those people or actually spent on supplies?” tanong ni Escudero.
“None, Your Honor,” tugon ni Acosta.
Ayon kay Acosta, umasa lamang siya kay Lachica na itinalaga ni Duterte upang magpatupad ng mga confidential activities ng OVP at sa mga dokumentong isinumite nito upang i-account ang mga nagastos.
Sa pagpapatuloy ng paglilitis, ibinunyag din ng prosekusyon na ang parehong sistema o pamamaraan sa paghawak ng confidential funds ay ginamit din umano noon sa Lungsod ng Davao nang si Duterte pa ang alkalde.
Ayon kay Ligutan, umabot sa P460 milyon taun-taon ang confidential funds ng Davao City mula 2019 hanggang 2022, o kabuuang P1.84 bilyon sa loob ng apat na taon. Gail Mendoza