Home NATIONWIDE OVP maaaring mag tree planting kahit walang confidential funds – Prosecution 

OVP maaaring mag tree planting kahit walang confidential funds – Prosecution 

1
0

MANILA, Philippines — Binigyang-diin ng House prosecution panel na maaaring magsagawa ng mga aktibidad tulad ng tree-planting ang Office of the Vice President (OVP) kahit na walang ginagamit o inilaang confidential funds, ayon kay Private prosecutor Amando Virgil Ligutan sa ika-17 araw ng paglilitis sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.

Ang pahayag ay ginawa ni Ligutan habang inihaharap ang isang screenshot ng social media post noong Agosto 13, 2026, kung saan makikita ang paglahok ni Duterte sa isang aktibidad ng pagtatanim ng puno sa Masilay Integrated School sa Nunungan, Lanao del Norte, sa ilalim ng programang PagbaBAGo: A Million Trees Campaign ng OVP.

Kasunod nito, tinanong ni Ligutan ang dating OVP special disbursing officer (SDO) na si Gina Acosta, na tumatayong hostile witness mula sa panig ng prosekusyon, kung may confidential funds ba ang OVP noong 2026 para maisagawa ang naturang tree-planting activity.

“Wala po, Your Honor,” tugon ni Acosta.

“And despite that, despite the absence of confidential funds nakapag-tree planting—with God’s blessing—nakapag tree planting yung vice president ng ligtas, ng walang untoward incident. Tama po ba?” paglilinaw ni Ligutan.

Tumutol naman ang defense lawyer na si Lindon Bacquel sa naturang tanong dahil umano sa “irrelevance” o kawalan ng kaugnayan nito sa mga Articles of Impeachment.

“This is for 2026, Your Honor. The question pertains to an activity in 2026, which is not covered by the Articles of Impeachment,” giit ni Bacquel.

Tinanong naman ni Presiding Officer Francis Escudero si Bacquel kung bakit irrelevant ang tanong.

Ipinaliwanag ni Ligutan na ipinapakita ng naturang aktibidad na maaaring makapagsagawa ng tree planting ang vice president kahit walang confidential funds.

“The point is, there were no confidential funds allocated in 2026, and the Vice President was able to conduct one,” giit ni Ligutan.

Pinayagan ni Escudero na sagutin ni Acosta ang katanungan ni Ligutan dahil siya ang SDO ni Duterte.

“Hindi ko alam,” ayon kay Acosta bilang tugon sa pinal na katanungan ni Ligutan.

Matatandaang nauna nang tumestigo si Acosta na bahagi ng paggamit ng confidential funds ang seguridad ng pangalawang pangulo sa mga aktibidad ng tree-planting sa ilalim ng mga programa ng OVP.

“Ang tree planting po ay kasali sa pinaggastusan ng confidential funds. Before po gawin ang tree planting, ang aming security officer, Your Honor, mag-conduct sila ng surveillance kung safe ba,” paglalahad noon ni Acosta.

Si Acosta ay testigo para sa Artikulo 1 ng kasong impeachment, na nag-aakusa kay Duterte ng mga paglabag at maling paggamit ng confidential funds sa ilalim ng OVP at Department of Education, na dati nitong pinamumunuan.

Sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Duterte hinggil sa hinalang paglulustay ng confidential funds, ginamit ng prosekusyon ang naturang tree-planting activity bilang patunay sa kanilang argumento na hindi kinakailangan ang confidential funds upang maisagawa nang ligtas ang aktibidad ng vice president. Gail Mendoza / Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here