MANILA, Philippines – Nanawagan si House Speaker Faustino Dy III para sa isang “moral recovery” o pagbabagong-moral sa loob ng Kamara at binigyang-diin na ang tunay na tagumpay ng tinatawag na Bagong Kongreso ay hindi nasusukat sa dami ng mga naisabatas kundi sa kakayahang lumikha ng mga tapat na lingkod-bayan at maibalik ang tiwala ng publiko.
Sa kanyang talumpati matapos ang Misa sa Batasang Pambansa, sinabi ni Dy na ang pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko ay nangangailangan ng paninindigan sa integridad, konsensya, at sa kabutihang panlahat sa bawat desisyon ng mga mambabatas.
“I have said this before and I will continue to say it, a truly Bagong Kongreso must begin with moral recovery. Our standard cannot simply be how many laws we pass, but whether we become better public servants and restore our people’s faith in this institution,” pahayag ni Dy.
“Ang pagiging mambabatas ay hindi lamang usapin ng paggawa ng batas. Ito ay ang pag-alam kung ano ang tama at pagkakaroon ng lakas ng loob na gawin ito, pagpili ng integridad kaysa sa pansariling kaginhawaan,” dagdag pa ni Dy.
Dumalo sa misa ang Apostolic Nuncio sa Pilipinas na si Most Rev. Charles John Brown, D.D.; ang Bishop Emeritus ng Novaliches na si Most Rev. Teodoro C. Bacani Jr., D.D.; mga mambabatas at iba pang mga pari.
Sinabi ni Dy na ang presensya ng mga lider ng Simbahan ay patunay na ang paglilingkod-bayan ay may malalim na responsibilidad na lumalagpas sa simpleng pulitika.
Samantala, pinangunahan ni Bishop Emeritus Teodoro C. Bacani Jr. ang isang espesyal na panalangin para kay Speaker Dy na nagdiriwang ng kanyang ika-65 kaarawan, at hiniling na manatili siyang lider na may integridad at nagsasabuhay ng kanyang pananampalataya.
Bago ang pagtatapos ng misa, hiniling ni Bacani sa mga dumalo na iunat ang kanilang mga kamay sa Speaker at sa kanyang maybahay upang ipanalangin ang kanilang pamilya at ang bansa.
“May I ask you to please extend your hands towards our beloved Speaker and his wife. And let us pray for them and for our country,” ani Bacani.
“And grant that he may really be a leader, whom not only the House of Representatives can look up to, but a leader whom the Filipino people can say,here is a true Speaker who not only spoke, but who acted and who lived according to the word of God,” pagtatapos ni Bacani. Gail Mendoza