MANILA, Philippines — Mas maayos at mas modernong pasilidad pangkalusugan ang target ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila para sa mga residente ng Tondo matapos simulan ang rehabilitasyon at renovation ng Flora V. Valisno De Siojo Dialysis Center sa Delpan Street.
Bahagi ito ng hakbang ng lungsod na ayusin ang mga lumang pasilidad pangkalusugan upang mas maging maaliwalas, maayos at maaasahan ang serbisyong natatanggap ng mga Manileño, partikular ng mga nangangailangan ng dialysis treatment.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, hindi dapat nauuwi sa simpleng pagpapakita lamang ng proyekto ang paggamit ng pondo ng pamahalaan. Sa halip, dapat itong humantong sa konkretong serbisyong direktang nararamdaman ng mga mamamayan.
“We always wanted our best for our people,” pahayag ni Domagoso.
Binigyang-diin din ng alkalde na patuloy na mamumuhunan ang lungsod sa sektor ng kalusugan, kabilang ang rehabilitasyon ng mga lumang pasilidad, muling pagbubukas ng mga health center na nangangailangan ng pagkukumpuni at pagdaragdag ng mga makabagong kagamitang medikal.
“Pumanatag kayo. Iyong mga pasilidad ninyo na dugyot ay unti-unti nating mino-modernize. Iyong mga sira at saradong health center, binubuksan natin,” ani Domagoso.
Giit pa ng alkalde, kailangang maibalik sa mamamayan ang pondong ipinagkatiwala sa pamahalaan sa pamamagitan ng mga serbisyong may tunay na pakinabang sa komunidad.
“Yung pera ng taumbayan na tangan natin, ibabalik natin lagi sa tao through services,” aniya.
Ang Flora V. Valisno De Siojo Dialysis Center, na ipinangalan sa lola ng dating Manila Mayor Alfredo Lim, ay kabilang sa mga pasilidad na isinasailalim sa rehabilitasyon at modernization program ng lungsod.
Sa pamamagitan ng proyekto, inaasahang mas mapapabuti ang kondisyon ng pasilidad at serbisyo para sa mga pasyenteng nangangailangan ng dialysis.
Bahagi ang rehabilitasyon ng dialysis center sa mas malawak na programa ng Manila City Government na gawing mas moderno, maayos, accessible at maaasahan ang mga pasilidad at serbisyong pangkalusugan para sa mga Batang Maynila. Jay Reyes