Home HOME BANNER STORY Pinoys na biyaheng China, binalaan sa hinigpitang visa rules

Pinoys na biyaheng China, binalaan sa hinigpitang visa rules

29
0

MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng Philippine Embassy in Beijing ang mga Pilipinong nasa China at nagpaplanong bumiyahe roon na sumunod sa mas mahigpit na visa at entry requirements na magkakabisa sa Setyembre 15.

Kabilang dito ang pagtiyak na ang uri ng visa ay tugma sa aktuwal na pakay at gawain ng biyahero sa China.

Ayon sa embahada, maaaring tanungin ng Chinese authorities ang mga aplikante at hingan ng karagdagang supporting documents, kabilang ang electronic records, upang mapatunayan na lehitimo at naaayon sa batas ang idineklarang layunin ng pagbisita.

Nagbabala rin ito na ang pagsusumite ng pekeng dokumento o sadyang maling impormasyon ay maaaring humantong sa pagtanggi sa visa at pagbabawal na makapasok sa China.

Maaari ring maparusahan o pagmultahin ang mga gumagawa ng invitation letter kapag napatunayang mali ang impormasyong nakasaad dito.

Pinayuhan din ang mga kumukuha ng serbisyo ng visa o immigration agencies na tiyaking rehistrado ang mga ito sa kinauukulang Chinese immigration authorities.

Nilinaw ng embahada na hindi ipinagbabawal ng bagong patakaran ang lehitimong pagbiyahe at hindi nito pahihirapan ang karaniwang visa applications ng mga sumusunod sa tamang proseso.

Para sa mga tanong, maaaring tawagan ang China National Immigration Administration sa hotline na 12367 o makipag-ugnayan sa Philippine Embassy in Beijing at pinakamalapit na Philippine Consulate General. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here