MANILA, Philippines — Posibleng magdagdag pa ng checkpoints ang Commission on Elections (Comelec) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao bilang paghahanda sa parliamentary elections sa Setyembre 14.
Sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na patuloy na sinusuri ng poll body ang seguridad sa rehiyon matapos tambangan noong Agosto 15 si BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua at kanyang mga kasama sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
“Even if we consider this an election-related incident, we hope it remains an isolated one. Verification efforts in the BARMM are ongoing,” ani Laudiangco.
Ayon sa opisyal, 15 katao na ang nahuli at mahigit 20 baril ang nasamsam kaugnay ng ipinatutupad na election gun ban. Isinailalim na umano sa inquest proceedings ang mga naaresto.
“Kung wala kayong exemption o certificate of authority, huwag kayong magdala ng baril. May mga checkpoint na naghihintay sa inyo. Huwag ninyo itong gawing biro,” babala ni Laudiangco.
Ang paglabag sa gun ban ay may parusang isa hanggang anim na taong pagkakakulong, pagkawala ng karapatang bumoto, at habambuhay na diskuwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong posisyon.
Epektibo ang gun ban sa BARMM mula Hulyo 16 hanggang Setyembre 29. RNT