MANILA, Philippines – Sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman kung may naganap na korapsyon sa mga flood control project sa Davao City noong nakaraang administrasyon.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa panukalang P7 bilyong budget ng Ombudsman, tinanong ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio kung may ginagawa ang ahensya para siyasatin ang umano’y korapsyon sa flood control projects.
“Yes, but it is not really easy,” sagot ni Remulla. Tinawag din niyang “epicenter” ng flood control allocations noong nakaraang administrasyon ang Davao City dahil sa laki ng pondong inilaan dito.
Ayon kay Remulla, mahirap makakuha ng impormasyon dahil may mga taong ayaw magsalita, ngunit patuloy ang kanilang imbestigasyon.
Gayunman, nilinaw niya na hindi pa niya agad masasabi na sentro ng korapsyon ang Davao City.
“I will not make that conclusion immediately; we are studying this, because what’s important is we see the evidence on the ground,” ani Remulla.
Ipinaliwanag din niya matapos ang pagdinig na ginamit niya ang salitang “epicenter” dahil malaki ang pondong inilaan sa Davao City para sa flood control noong nakaraang administrasyon.
“We will check out the flood control there,” dagdag niya. RNT/MDS