MANILA, Philippines – Iginiit ni House lead prosecutor Atty. Gerville Luistro na hindi nag-iimbento ng ebidensya ang prosekusyon laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng mga paratang na may hindi maipaliwanag na yaman ang bise presidente.
“May kasabihan tayo, numbers do not lie,” ani Luistro bilang tugon sa pahayag ni Duterte na gumagawa lamang umano ng ebidensya ang prosekusyon laban sa kanya.
Nauna nang itinanggi ni Duterte ang pagkakaroon ng nakatagong yaman matapos maglabas ang National Bureau of Investigation (NBI) ng mga larawan at video ng mga real estate property na iniuugnay sa kanya.
“Napansin ko lang ha, lahat na lang ng illegal ay ipinapahid nila sa akin… Saan ba nagsimula? Confidential funds, corruption. Actually mayroon pa ‘yan silang tried to link us with drugs. So korapsyon, droga, ngayon mayroon silang China funds. Ngayon may ill-gotten wealth. Nag-impeachment na sila, walang ebidensyang lumabas,” pahayag ni Duterte.
Dagdag pa niya, “Bumabagsak na yung kaso nila eh kaya binibilisan, kasi wala na, wala na silang masabi, nag-iimbento ka ng ebidensya.”
Bilang tugon, pinuri ni Luistro ang testimonya ng financial forensic analyst na si Alex Cabrera, eksperto ng prosekusyon. Ayon sa pagsusuri ni Cabrera, umabot umano sa P817.87 milyon ang hindi naideklarang yaman nina Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025, batay sa mga pagkakaiba sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at mga rekord mula sa Securities and Exchange Commission (SEC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at mga bangko.
Noong Lunes, sinabi ni Cabrera na maaaring umabot sa P1.5 bilyon ang umano’y nakatagong yaman ng mag-asawa kung isasama ang P475 milyong confidential funds at mga transaksiyong ini-flag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at GenCorp Industries Inc.
“Our last witness is an expert witness whose credentials are really commendable and the forensic study depended on the pieces of evidence submitted by the different government agencies directly to the impeachment court. Paano naman nag-iimbento ‘yan?” ani Luistro.
“The bank documents, the insurance documents, the BIR documents, the AMLC documents, the SEC documents, these are authentic documents submitted pursuant to a subpoena issued by the Honorable Impeachment Court.”
Ayon kay Luistro, mas makabubuting humarap si Duterte at magbigay ng sariling testimonya sa impeachment trial upang maipaliwanag ang pinagmulan ng kanyang yaman. Itinanggi rin niya ang pahayag ng bise presidente na minamadali ng prosekusyon ang paglilitis dahil humihina na ang kanilang kaso.
Sinabi ni Luistro na nababahala ang prosekusyon sa pagkainip ng publiko, dahil nagsimula pa noong 2024 ang mga alegasyon laban kay Duterte.
Aniya, “and the people have the right to witness the conclusion of all this impeachment process.”
Dahil sa deliberasyon ng badyet sa Senado, inaasahang magkakaroon ng pahinga ang impeachment trial simula Oktubre 14.
Ayon kay Luistro, hihingi ang prosekusyon ng gabay sa impeachment court kung ihahain na nila sa Martes ang pormal na listahan ng mga ebidensyang nais nilang tanggapin ng korte o kung gagawin ito matapos ilahad ng depensa ang kanilang panig.
Ipinaliwanag niyang maaari pang magpatawag ang impeachment court ng karagdagang mga saksi, kabilang ang mga security personnel na nakatalaga kay Duterte ngunit hindi naiharap ng prosekusyon.
“Gusto naming maliwanagan kung after ba na makatawag ang impeachment court ng additional witnesses, papayagan ba ang parties mag-present ng rebuttal evidence. If the answer is yes, we believe na mas maganda na ang formal offer ay sa dulo. Pero kung hindi na papayagan, then it means that after the conclusion of the last witness of the prosecution, dapat mag-file na ng formal offer of exhibits,” aniya.
Samantala, sinabi ni Luistro na hindi na magagamit sa paglilitis ang mga bagong impormasyong inilabas ng NBI tungkol sa mga ari-ariang iniuugnay kay Duterte at sa kanyang asawa. Wala umano sa kanilang pag-aari ang mga impormasyong ito at kakailanganin pa ng panahon upang beripikahin ang mga dokumento at maghanda ng karagdagang saksi.
Ipinaliwanag niyang kailangang suriin ang mga titulo, tax declaration, assessed value at paraan ng pagkakakuha sa mga ari-arian, kabilang ang mga property na iniuugnay sa mga kapatid ni Duterte.
“We could have included them in the unexplained wealth. Relevant siya sa unexplained wealth kasi properties but the problem is – time is too tight and even until now we haven’t seen the pieces of evidence in the NBI. Pero if the question is relevance, those properties are relevant in the evidence of unexplained wealth.” RNT/MDS