Home NATIONWIDE Leptospirosis surge, tataas pa ‘gang Aug. 31, — San Lazaro chief

Leptospirosis surge, tataas pa ‘gang Aug. 31, — San Lazaro chief

6
0

MANILA, Philippines — Posibleng umabot sa pinakamataas na antas sa Agosto 31 ang kasalukuyang pagdami ng leptospirosis cases, ayon sa pamunuan ng San Lazaro Hospital.

Sinabi ni San Lazaro Hospital Medical Center chief Dr. David Suplico sa isang panayam, na ibinatay ang pagtataya sa incubation period ng leptospirosis, na maaaring umabot nang hanggang 30 araw.

“Hindi pa ito ang peak ng leptospirosis… Nakikita namin na magpi-peak ang leptospirosis surge is August 31,” ani Suplico.

Umabot na sa 135 ang naka-admit na leptospirosis patients sa San Lazaro Hospital, mas mataas sa 131 na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Lampas na rin umano ito ng 15 pasyente sa nakalaang beds ng ospital para sa leptospirosis, dahilan upang gumamit ng cot beds at folding chairs para sa ilang pasyente.

Anim na pasyente naman ang nasawi sa ospital dahil sa leptospirosis mula Agosto 10.

Sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI), umabot naman sa 48 ang leptospirosis cases nitong Martes ng umaga.

Samantala, sinabi ng Department of Health (DOH) na 4,285 leptospirosis cases ang naitala sa buong bansa hanggang Agosto 22—37% na mas mababa kumpara sa 6,839 kaso sa kaparehong panahon noong 2025.

Pinalalakas na rin ng DOH ang referral system upang hindi magsiksikan ang mga pasyente sa iisang ospital. Ayon kay Health Secretary Edwin Mercado, mayroon ding 3.1 milyong doxycycline capsules na available para sa pagtugon sa leptospirosis.

Nagpaalala ang DOH na maaaring lumitaw ang sintomas ng leptospirosis hanggang isang buwan matapos malantad sa baha o kontaminadong tubig. Pinapayuhan ang mga nalantad na bantayan ang kanilang kalagayan at agad kumonsulta sa health center o healthcare provider kapag nakaranas ng sintomas.

Naka-heightened monitoring din ang mga regional health office sa mga lugar na nakaranas ng matinding pagbaha dahil sa panganib ng pagtaas ng leptospirosis at iba pang sakit na may kaugnayan sa baha. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here