NEGROS ORIENTAL — Nasawi ang isang 21-anyos na babaeng motorcycle rider matapos siyang magulungan ng 10-wheeler truck sa Barangay Bio-os, Amlan, Negros Oriental nitong Martes, Agosto 25.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Amlan Municipal Police Station, parehong pahilaga ang motorsiklo at truck nang tangkain umanong mag-overtake ng rider habang nasa bahagi sila ng tulay.
Ayon kay Police Staff Sergeant Mark Anthony Rodriguez, assistant traffic investigator ng Amlan PNP, sumagi umano sa concrete gutter ng tulay ang motorsiklo habang nag-o-overtake.
Dahil dito, naiwan ang motorsiklo habang tumilapon ang rider sa gawing hulihan ng truck at nagulungan.
Isinugod ang biktima sa Amlan Rural Health Unit ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Sinabi naman ng driver sa mga awtoridad na hindi niya agad naihinto ang truck dahil mabigat ang karga nitong mga semento.
Nasa kustodiya ng Amlan Police Station ang driver habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente. Mary Anne Sapico