Home METRO 2 CDO-police, inireklamo ng harassment ng crim interns

2 CDO-police, inireklamo ng harassment ng crim interns

2
0

MANILA, Philippines — Dinisarmahan at pansamantalang inalis sa kanilang regular na tungkulin ang dalawang pulis sa Cagayan de Oro City habang iniimbestigahan ang umano’y harassment sa dalawang babaeng criminology interns.

Ang mga sangkot na pulis—isang police captain at isang police corporal—ay nakatalaga sa Police Station 7 sa Barangay Bulua, kung saan naiulat na nangyari ang insidente noong Agosto 8.

Parehong 21-anyos ang dalawang intern na nagsasagawa noon ng kanilang training sa himpilan.

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inilagay ang dalawang pulis sa Personnel Holding and Accounting Section ng Cagayan de Oro City Police Office habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

“We take these allegations seriously,” ani Nartatez, sabay pangakong magiging patas at walang panghihimasok ang pagsisiyasat at maaaring magsampa ng administrative at criminal charges kung mapatutunayan ang mga paratang.

Inatasan din ang Police Regional Office 10 at PNP-Internal Affairs Service na magsagawa ng imbestigasyon at tiyaking mapapanagot ang sinumang mapatutunayang responsable.

“We will not tolerate any abuse of authority or conduct that violates the dignity and rights of our interns, civilians, or fellow personnel,” dagdag ng PNP chief.

Naglagay na rin umano ng safeguards ang PNP upang maprotektahan ang dalawang intern laban sa posibleng pananakot o retaliation habang dinidinig ang reklamo.

Samantala, sinabi ng Professional Criminologists Association of the Philippines na maaari rin itong magsagawa ng legal na hakbang na posibleng humantong sa pagkakabawi ng professional licenses ng mga pulis kung mapatutunayan ang reklamo.

Patuloy ang imbestigasyon at wala pang pinal na finding laban sa dalawang opisyal. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here