MANILA, Philippines – Nananatiling mapayapa sa pangkalahatan ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kaugnay sa nalalapit na kauna-unahang parliamentary elections, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Martes.
Ito ay sa kabila ng isang insidente na may kaugnayan sa halalan na iniulat sa rehiyon.
Aniya, makikipagpulong ang mga opisyal ng Comelec sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at iba pang security officials para masuri ang peace and order situation sa rehiyon.
Sinabi ni Garcia na mahigpit ang koordinasyon ng Comelec sa mga ahensya ng seguridad upang matiyak na magiging mapayapa at maayos ang eleksyon.
Nagtalaga ang mga awtoridad ng karagdagang security personnel kasunod ng pananambang sa convoy ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua sa Barangay Dulangan, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte noong Agosto 15.
Nauna nang sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na natural na paramihin ang mga security personnel sa mga lugar na binabantayan para sa mga potensyal na banta .
Noong Agosto 15, si Macacua at ang kanyang mga kasama ay nakatakas nang hindi nasaktan matapos tambangan ng mga armadong salarin ang kanilang convoy sa Datu Odin Sinsuat.
Naglalakbay si Macacua mula sa kanyang bayan sa Barangay Gambar, Mother Kabuntalan, nang mangyari ang insidente.
Sinabi ni Laudiangco na itinuturing ng poll body ang pananambang bilang isang insidente na may kaugnayan sa halalan at nagpahayag ng pag-asa na ito ay isang isolated na kaso.
Inuri ng PNP ang pananambang sa convoy ng Macacua bilang isang “suspected election-related incident.” Jocelyn Tabangcura-Domenden