MANILA, Philippines – Maaaring mangailangan ng karagdagang pondo ang Commission on Elections (Comelec) kung ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa Nobyembre 2, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia nitong Martes.
Ayon kay Garcia na gumastos na ang Comelec ng humigit-kumulang P8 bilyon ng P19.57-bilyong budget nito para sa paghahanda para sa BSKE.
Binigyang-diin ni Garcia na kung hindi matutuloy ang November 2 barangay at SK elections ay muling magbubukas ng registration ng botante ngayong Septyembre.
Idinagdag pa na P8 bilyon na ang nagamit para sa election-related procurement kabilang na ang pag-imprenta ng mga balota at iba pang election forms.
Ang BSKE ay naka-iskedyul para sa Nobyembre 2, 2026. Naghain si Senador Francis “Chiz” Escudero ng panukalang batas na naglalayong palawigin ang termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan sa limang taon at i-reset ang halalan sa 2028.
Sa kabila ng kawalan ng katiyakan sa panukalang pagpapaliban, sinabi ni Garcia na nagpapatuloy ang paghahanda ng Comelec para sa halalan sa Nobyembre 2.
Aniya, halos 90% na ang handa ng poll body. Ang paghahain ng certificates of candidacy ay nakatakda sa Setyembre 28 hanggang Oktubre 5.
Nauna nang hinimok ni Garcia ang Kongreso na linawin bago matapos ang Setyembre kung matutuloy ang BSKE gaya ng nakatakda. Jocelyn Tabangcura-Domenden