Home METRO Clearing operations, pinaigting sa estero ng Baclaran

Clearing operations, pinaigting sa estero ng Baclaran

1
0

Sinimulan ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang pagpapaigting ng clearing operations sa Barangay Baclaran matapos tangayin ng mataas na tubig ang mga basura patungo sa isang estero noong Martes ng umaga, Agosto 25, na pinalala pa ng patuloy na epekto ng habagat.

Ayon kay Mayor Edwin Olivarez, isinagawa ng Task Force ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ang paglilinis upang alisin ang naipong basura at maiwasan itong higit pang makabara sa daluyan ng tubig.

Sinabi ni Olivarez na hindi nangangahulugang sa lugar mismo nagmula ang mga basurang naipon dahil maaaring tinangay ang mga ito mula sa ibang lugar at napadpad sa estero nang tumaas ang tubig.

Naitala ang 1.21 metrong taas ng tubig-dagat sa Metro Manila noong Martes ng umaga, dahilan upang mahigpit na subaybayan ng pamahalaang lungsod at mga katuwang nitong ahensya ang mga daluyan ng tubig, partikular ang mga lugar na madaling bahain.

Isinagawa ang clearing operation sa pakikipag-ugnayan sa Aseana Business Park Estate Association, Inc. (ABPEA) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon sa alkalde, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaang lungsod na panatilihing malinis at walang bara ang mga daluyan ng tubig upang matiyak ang tuloy-tuloy na agos ng tubig tuwing malakas ang ulan at mataas ang tubig-dagat.

Muling pinaalalahanan ni Olivarez ang mga residente at establisimyento na itapon nang maayos ang kanilang mga basura at iwasang magtapon sa mga estero at iba pang daluyan ng tubig. Nagbabala siya na ang naipong basura ay maaaring bumara sa mga drainage at magpalala ng pagbaha.

(James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here