MANILA, Philippines – Ipinatupad ng Commission on Elections (Comelec) nitong Biyernes, Agosto 28, ang liquor ban sa Dasmariñas City, isang araw bago ang special election para sa kapalit ni dating Cavite Representative Francisco “Kiko” Barzaga.
Ayon sa Comelec, kabilang sa ipinagbabawal bago ang eleksyon ay ang pangangampanya, pagbebenta, pag-aalok, o pagbili ng nakalalasing na inumin; pagbibigay at pagtanggap ng libreng sakay, pagkain, inumin at iba pang gamit.
Isasagawa ang special election bukas, araw ng Sabado, Agosto 29 mula alas-5 ng umaga hanggang alas-7 ng umaga para sa senior citizens, persons with disability, at mga buntis na botante.
Samantala, ang lahat ng rehistradong botante ng Dasmariñas ay maaaring bumoto mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Nauna nang sinabi ni Comelec chairperson George Garcia na handa na sila sa pagdaraos ng special election.
Matatandaan na nabakante ang pwesto matapos patalsikin ng Kamara si Barzaga noong Hunyo dahil sa hindi kaaya-ayang pag-uugali at gawi, at conduct unbecoming of a House member. RNT/JGC