MANILA, Philippines – Posibleng paghihiganti sa aktibong kampanya kontra ilegal na droga ang motibo sa pagpatay sa isang barangay chairman sa President Quirino, Sultan Kudarat, ayon sa pulisya.
Sinabi ni Maj. Aljun Besario, hepe ng President Quirino Municipal Police Station, na nakatuon ang kanilang imbestigasyon sa dalawang persons of interest na posibleng nasa likod ng pagpatay kay Bernaned Acosta Barua noong Agosto 24.
“We have two people whom we believe were behind the attack against Chairman Barua,” ani Besario sa isang panayam sa radyo noong Biyernes, Agosto 28.
Si Barua, 53, ay dalawang terminong barangay chairman ng Bannawag. Binaril siya habang kasama ang kanyang asawa at nagpapahinga sa tindahan ng buko sa gilid ng kalsada.
Ayon kay Besario, dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang huminto sa harap ng kapitan saka pinaputukan gamit ang 9mm na kalibre ng baril.
“He is very active in anti-illegal campaigns and our partner in crime prevention,” ani Besario.
Nagtamo ang biktima ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan at idineklarang dead on arrival sa Tomboc Salayog Hospital sa Tacurong City.
Sinabi ni Besario na posibleng nagalit kay Barua ang mga personalidad sa ilegal na droga at kanilang mga kasamahan na naaresto ng pulisya sa tulong ng mga lokal na opisyal.
“We strongly condemn this senseless act of violence that claimed the life of Barangay Captain Barua,” ani Besario.
Tiniyak naman ng pulisya sa pamilya ng biktima at sa publiko na seryoso nilang iniimbestigahan ang insidente at patuloy na tinutugis ang mga responsable sa krimen. RNT/JGC