MANILA, Philippines – Nasawi ang 35-anyos na nurse matapos mabagsakan ng concrete slab habang naghihintay sa isang waiting shed sa Sierra Island, Barangay Canhawan Gote, Catbalogan City, Samar, nitong Huwebes ng hapon, Agosto 27.
Kinilala ang biktima na si Kelvin Castro, 35, isang nars ng Department of Health na nakatalaga sa Catbalogan City Health Office at residente ng Purok 3, Barangay Canlapwas, Catbalogan City.
Ayon sa pulisya, katatapos pa lamang ni Castro at mga kasamahan nito na nurse din sa City Health Office, ng measles-rubella supplemental immunization activity sa Barangay Canhawan Gote.
Matapos ang aktibidad, ang dalawa ay nagtungo sa daungan ng bangka para maghintay ng masasakyan pauwi ng Catbalogan City.
Habang naghihintay, umupo si Castro sa ilalim ng waiting shed nang biglang bumigay ang istruktura dahilan para direkta itong mabagsakan.
Nagtamo ng pinsala sa katawan si Castro partikular sa kanyang ulo.
Nagtulong-tulong ang ilang residente para hilahin si Castro sa gumuhong istruktura.
Naisagawa pa ng mga doktor at ibang medical personnel ang resuscitation procedures ngunit idineklarang dead on arrival. RNT/JGC