Home OPINION ILIPAT PETSA, HUWAG HALALAN

ILIPAT PETSA, HUWAG HALALAN

3
0

MAGIGING katanggap-tanggap kaya kung ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE ay hindi gawin sa November 2 ngunit manatili pa rin sa taong 2026 ang halalan?

At kung sakaling maipatupad ang panukalang limang taong termino, maaari kaya itong magsimula sa mga opisyal na ihahalal sa 2026?

Bakit nga ba itinakda sa November 2, 2026 ang Barangay at SK elections gayong alam naman ng mga mambabatas na November 1 ay Undas? Marami ang nasa sementeryo upang alalahanin at dalawin ang kanilang mga mahal sa buhay na sumakabilang-buhay.

May pangamba tuloy na baka makaapekto ito sa voter turnout.

Ngunit sapat ba itong dahilan upang gawing limang taon ang termino ng mga barangay at SK officials at tuluyang hindi matuloy ang halalan?

Kung November 2 lamang ang problema, bakit hindi naisip agad ng mga mambabatas ang posibilidad na ilipat ang petsa? Tila napakababaw namang dahilan upang baguhin muli ang haba ng termino at maantala ang pagkakataon ng mamamayan na pumili ng kanilang mga bagong lider.

Paano kung ang magiging panukala ay simple lamang: ilipat ang halalan sa ibang araw ngunit manatili ito sa taong 2026?

At kung nais talagang gawing limang taon ang termino, maaari itong ipatupad sa mga mananalo sa halalan sa 2026.

Magiging katanggap-tanggap kaya ito?

Maaaring mayroon pa ring mga ligal na isyu na maaaring idulog sa Korte Suprema. Ngunit kung ilang araw lamang ang ililipat sa petsa ng halalan at hindi ang mismong taon, baka hindi na rin magkaroon ng matinding dahilan upang kwestiyunin ito sa Korte Suprema.

Isa pang mahalagang bagay: kung maipapasa ang limang taong termino, dapat maging malinaw kung paano ito ibibilang sa pagpapatupad ng three-term rule para sa mga halal na barangay officials.

Sa huli, malinaw ang nais ng nakararaming mamamayan: ituloy ang halalan.

Panatilihin ang mga karapat-dapat. Palitan ang mga walang silbi. At patalsikin sa pamamagitan ng balota ang mga pinunong hindi na karapat-dapat pagkatiwalaan.

Sa ating mga mambabatas, huwag sanang gawing komplikado ang simpleng problema.

Kung ang petsa ang problema, ilipat ang petsa. Huwag ang halalan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here