MANILA, Philippines – Tinangay ng malakas na agos ng tubig dahil sa nasirang dike ang apat na bahay sa gilid ng Porac-Gumain Rivers sa Lubao, Pampanga.
Sa panayam ng DZBB kay Pampanga Governor Lilia Pineda nitong Biyernes, Agosto 28, ang dike ay nasira dahil sa matinding agos ng tubig na nagmumula sa bundok.
Ang mga tinangay na bahay ay iligal umanong itinayo malapit sa dike.
“Mag-iimbestiga ako bakit sila nandoon, nakapatong sa may dike,” ani Pineda.
Wala namang nasaktan sa insidente ngunit inabisuhan ang mga apektadong residente na lumipat na ng tirahan.
Samantala, nilinaw ni Pineda na ang insidente ay hindi dahil sa pagguho ng Sto. Cristo Dam.
Aniya, kaya ng dam na tumanggap ng mga tubig na mula sa bundok.
Sa kabila nito ay naharangan ng mga puno at iba pang debris ang spillway nito. RNT/JGC