MANILA, Philippines – Umabot na sa 5,486 ang naitalang pasyente ng leptospirosis sa buong Pilipinas mula Enero hanggang Agosto 27, sinabi ng Department of Health (DOH).
Ayon sa DOH, inaasahang tataas pa ito sa mga susunod na linggo bagamat mas mababa pa ang bilang kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Tumatagal ng hanggang dalawang linggo ang incubation period ng bakteryang nagdudulot ng leptospirosis.
Ayon kay DOH Undersecretary Gloria Balboa, ang kasalukuyang tala na 5,486 mula Enero hanggang Agosto 27 ay 23% na mas mababa kumpara sa 7,163 na kaso sa parehong panahon noong 2025.
Gayunpaman, mahigpit na binabantayan ng DOH ang mga rehiyong may pinakamaraming kaso ng leptospirosis.
May pinakamataas na bilang ng kaso ang Cordillera Administrative Region na may 542 kaso, sinundan ng Metro Manila na may 521, at Central Luzon na may 391 noong Agosto 22.
Sinabi ni Mercado na kabilang sa mga ospital na binabantayan ay ang mga nasa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, at National Capital Region.
Kamakailan ay nakaranas ng pagdagsa ng mga kaso ng leptospirosis ang San Lazaro Hospital, kung saan umaabot sa 300% hanggang 500% ang kapasidad ng emergency room nito.
Sinabi ng DOH na nagsasagawa sila ng hakbang para dagdagan ang manpower.
Ayon kay Balboa, may ilang ospital na nag-alok na tumanggap ng mga mild-case na pasyente mula sa mga puno nang ospital, at patuloy nilang binabantayan ang bed capacity sa mga health center. Jocelyn Tabangcura-Domenden