Home OPINION SINONG PANALO KAPAG WALANG HALALAN?

SINONG PANALO KAPAG WALANG HALALAN?

1
0

KUNG ang inyong lingkod ang tatanungin bilang abogado, hindi dapat ang tanong ay kung kailan dapat ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE. Ang mas mahalagang tanong ay: sino ang makikinabang kapag hindi natuloy ang halalan sa 2026 at inurong ito sa 2028?

Malinaw ang isang sagot: ang mga kasalukuyang nakaupo.

Kapag walang eleksyon, walang haharap sa paghuhusga ng taumbayan. Walang opisyal na kailangang managot sa balota. Mananatili sa puwesto ang incumbent barangay at SK officials nang hindi muling humihingi ng mandato sa kanilang mga nasasakupan.

At dito pumapasok sa usapin ang Malacañang.

Kung ang 2026 BSKE ay ipagpapaliban tungo sa 2028, ang administrasyong nasa Malacañang ay malinaw na magkakaroon ng malaking political advantage. Hindi man sabihin na ito ang layunin ng pagpapaliban, hindi rin dapat ipikit ang ating mga mata sa political reality. Sa grassroots level, napakahalaga ng barangay. Dito nagsisimula ang political machinery, organisasyon at suporta sa bawat kandidato at administrasyon.

Kapag ang mga kasalukuyang opisyal ay nanatili sa pwesto nang mas matagal, natural na magiging mas mahalaga ang kanilang papel sa political landscape patungo sa susunod na national elections.

Kaya bilang abogado, naniniwala akong dapat itong pag-isipang mabuti. Ang demokrasya ay hindi lamang usapin ng kung ano ang ligal. Ito rin ay usapin ng tiwala ng publiko.

Sinasabing November 2 ang problema dahil kasunod ito ng Undas. Kung iyon lamang ang dahilan, bakit hindi na lamang ilipat ang petsa ng halalan sa ibang araw ngunit manatili sa 2026? Ayon mismo sa Commission on Elections, maaari namang ipatupad ang panukalang limang taong termino nang hindi ipinagpapaliban ang eleksyon, sa pamamagitan ng paglalapat nito sa mga opisyal na ihahalal sa 2026.

Sa kasalukuyan, may mga panukala sa Senado at Kamara na naglalayong ilipat ang BSKE sa 2028. Ngunit kung ang dahilan ay continuity, maaaring makamit ito nang hindi inaalis ang karapatan ng mamamayan na pumili.

Ituloy ang halalan. Kung petsa ang problema, baguhin ang petsa. Kung termino ang isyu, para sa mga bagong halal ito’y ipatupad. Ngunit huwag gawing dahilan ang mga ito upang ipagpaliban ang pagboto.

Dahil sa isang demokrasya, kapag walang halalan, may isang malinaw na nanalo—ang mga nakaupo. At kapag ang nakaupo ay matagal nang hindi sinusubok ng balota, ang tunay na talo ay ang taumbayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here