MANILA, Philippines – Umakyat na sa P6.16 bilyon ang halaga ng pinsala sa imprastruktura dahil sa epekto ng Habagat, habang ang agricultural losses ay nasa P2.32 bilyon, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Lunes, Agosto 31.
“Total po ang nawala o nasira in terms of figures ay P6.16 billion in infrastructure. Sa damage to agriculture naman po ay P2.32 billion,” sinabi ni OCD Disaster Preparedness Service director Vicente Gregorio Tomas.
Idinagdag pa ni Tomas na 724 lugar ang binaha sa Ilocos Region, Central Luzon, Metro Manila, at Calabarzon.
Pinakamaraming binaha ang nasa Central Luzon na may 561 apektadong lugar sa Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales.
Sa ibang rehiyon, 122 lugar ang nananatiling baha sa Pangasinan, 24 sa Laguna, 11 sa Muntinlupa at Valenzuela.
Ani Tomas, may kabuuang 110 road sections at 14 tulay ang hindi madaanan dahil sa landslide at pinsala sa istruktura. RNT/JGC