MANILA, Philippines — Nananatili ang lakas ng Tropical Depression Pilandok habang halos hindi gumagalaw sa Philippine Sea, silangan ng extreme northern Luzon, ayon sa PAGASA nitong Lunes.
Batay sa weather bulletin ng PAGASA bandang 11 a.m., ang Pilandok ay namataan 1,160 kilometro silangan ng extreme northern Luzon. Taglay pa rin nito ang maximum sustained winds na 55 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras.
Wala namang nakataas na tropical cyclone wind signal sa anumang bahagi ng bansa.
Ayon sa PAGASA, maaaring mabagal na kumilos pa-kanluran-hilagang-kanluran ang Pilandok o manatiling halos hindi gumagalaw sa susunod na 36 oras. Pagkatapos nito, inaasahang kikilos ito sa direksyong hilaga-hilagang-kanluran.
Inaasahang lalabas ang Pilandok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Miyerkules ng hapon o gabi.
“This tropical cyclone is less likely to make landfall over the country and will remain far from the Philippine landmass,” ayon sa Pagasa, ngunit nilinaw nitong maaari pang magbago ang forecast track sa mga susunod na weather bulletin.
Inaasahan namang lalakas ang Pilandok bilang isang tropical storm sa Martes, bago muling humina bilang tropical depression sa Miyerkules at “maintain its strength throughout the remainder of the forecast period.” RNT/MDS