PANGASINAN, Philippines — Isinailalim sa state of calamity ang Pangasinan dahil sa epekto ng Southwest Monsoon o Habagat sa lalawigan.
Ayon sa Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), idineklara ang state of calamity sa pamamagitan ng Provincial Resolution No. 985-2026 na may petsang Agosto 31.
Inaasahang mapapabilis ng deklarasyon ang paghahatid ng ayuda at pagpapatupad ng mga hakbang para sa pagtugon at pagbangon ng mga apektadong komunidad.
Samantala, umabot na sa ₱6.16 bilyon ang pinsala sa imprastraktura dahil sa Habagat, habang nasa ₱2.32 bilyon naman ang pagkalugi sa sektor ng agrikultura, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Sinabi ni OCD Disaster Preparedness Service director Vicente Gregorio Tomas na 724 na lugar ang binaha sa Ilocos Region, Central Luzon, Metro Manila at Calabarzon.
Pinakamaraming binahang lugar ang naitala sa Central Luzon, na may 561, kabilang ang mga lalawigan ng Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales.
Samantala, 122 lugar ang nananatiling lubog sa Pangasinan, 24 sa Laguna, at 11 sa Muntinlupa at Valenzuela. RNT/MDS