MANILA, Philippines — Mas pinadali at pinagaan ng Bureau of Customs (BOC) ang pagkuha ng serbisyong medikal ng mga empleyado, retirado at kanilang kwalipikadong dependents matapos makipagkasundo ang ahensya sa Medical Center Manila, Inc. (ManilaMed).
Sa ilalim ng Memorandum of Agreement (MOA), makakakuha ng 5% diskwento sa outpatient services at 10% diskwento sa Emergency Room treatment at inpatient hospitalization ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng BOC.
Nabatid na ibabawas muna ang PhilHealth coverage at iba pang applicable benefits bago ilapat ang diskwento, upang makatulong sa pagpapababa ng aktuwal na gastusing kailangang sagutin ng mga pasyente.
Bukod sa diskwento, magkakaroon din ng express lane para sa mga benepisyaryo ng BOC na gagamit ng outpatient consultation, admission, laboratory services at billing transactions.
Mananatili rin ang mga umiiral na priority services para sa senior citizens, persons with disabilities (PWDs) at mga buntis.
Pormal na nilagdaan ang kasunduan noong Agosto 27, 2026 nina BOC Deputy Commissioner Raul S. Nagrampa at ManilaMed President Eduardo S. Eseque, M.D.
Kinatawan naman ni BOC Administrative Office Director John M. Simon si Nagrampa sa seremonya, na dinaluhan din ni Dr. Sigrid B. Duclan, Chief ng Medical and Dental Division, at iba pang opisyal ng dalawang institusyon.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, bahagi ng patuloy na programa ng ahensya ang pagbibigay ng mas maayos na suporta sa mga kawani at kanilang pamilya.
“Our personnel deserve comprehensive support,” ani Nepomuceno, kasabay ng pagbibigay-diin na prayoridad ng BOC ang pagkakaroon ng abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa aktibong empleyado, retirado at kanilang pamilya.
“Hindi natatapos sa opisina ang ating tungkulin na pangalagaan ang mga taong naglilingkod sa ating bayan,” dagdag ng commissioner.
Sinabi naman ni Nagrampa na hindi lamang mga kawani ang apektado ng bigat ng trabaho sa serbisyo publiko kundi maging ang kanilang mga pamilya.
Layunin aniya ng partnership na makatulong sa pagpapagaan ng gastusing medikal at mapabilis ang pagkuha ng kinakailangang serbisyo sa ospital.
Gayunman, mananatiling responsibilidad ng bawat empleyado at kanilang dependents ang pagbabayad ng medical expenses, alinsunod sa mga patakaran at proseso ng ManilaMed.
Patuloy namang makikipag-ugnayan ang BOC sa ManilaMed upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng programa at mas mabilis na access sa serbisyong medikal para sa buong BOC community. Jay Reyes