MANILA, Philippines – Todo-depensa ang Malakanyang kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasunod ng pagkalat ng mga video na nagpapakita na siya’y kumakanta sa pagdiriwang ng kaarawan ni Unang Ginang Liza Araneta Marcos sa gitna ng masamang panahon dala ng Southwest Monsoon (Habagat).
Sa isang kalatas, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na kahit nasaan man ang Pangulo ay patuloy na minomonitor nito ang situwasyon at ipinag-utos sa mga kinauukuang ahensiya na tumugon nang naaayon sa epekto ng masamang panahon.
“Ang Pangulo ay Pangulo saan man siya naroroon. Ang paglalaan ng ilang oras para sa kanyang pamilya ay hindi nangangahulugang tumitigil ang kanyang tungkulin o ang operasyon ng pamahalaan,” ng winika ni Castro.
“Sa gitna ng matinding pag-ulan, patuloy ang kanyang pagbabantay at pag-uutos sa mga ahensya upang matiyak ang kaligtasan at agarang pagtulong sa ating mga kababayan,” aniya pa rin.
Sa ulat, may dalawang video ng Pangulo ang nakabahagi ngayon sa Facebook account ni Jose “Bonito” Singson Jr., dating mayor ng Vigan City.
Ang Unang Ginang ay 67 taong gulang, araw ng Biyernes, Agosto 21.
Sa hiwalay na social media post, inilarawan ng Pagulo ang kaarawan ng Unang Ginang bilang “most important day in the calendar.”
“My dear Liza, we’re celebrating today a most important day in the calendar; Liza Day!” ang sinabi ng Pangulo sa isang social media post.
“Happy Birthday to the First Lady of every day of my life… and beyond,” aniya pa rin.
Samantala, ang patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan dulot ng Habagat ang dahilan ng pagbaha sa Kalakhang Maynila at ilang lugar sa Luzon, araw ng Sabado, Agosto 29.
Kabilang sa mga lumubog sa baha ay ang Dagupan, Pangsinan; Pampanga; Bataan; Bulacan; at Tarlac. (KRIS JOSE)