ZAMBALES, Philippines — Umabot na sa ₱37.55 milyon ang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura ng Zambales dahil sa malakas na ulan at pagbaha dulot ng Habagat at mga bagyo, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office nitong Agosto 30.
Ayon kay Rolex Estella, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, ito ang naipong halaga ng pinsala mula sa Habagat at mga tropical cyclone.
Pinakamalaki ang pinsala sa palay, na umabot sa ₱21.58 milyon. Apektado nito ang 1,069.42 ektarya ng sakahan at 1,267 magsasaka, batay sa assessment ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA).
Pinakamalaki ang rice losses sa Sta. Cruz na ₱11.38 milyon, sinundan ng San Antonio na ₱2.8 milyon at Subic na ₱2.05 milyon.
Samantala, umabot sa ₱10.7 milyon ang pinsala sa high-value crops, na nakaapekto sa 358 magsasaka at 73.64 ektarya. Pinakamalaki rin ang pinsala sa Sta. Cruz na ₱4.03 milyon, sinundan ng Botolan na ₱3.54 milyon at Subic na ₱1.69 milyon.
Kasama rin sa assessment ang pinsala sa mga agricultural facility, irrigation system at farm equipment.
Umabot sa ₱1.21 milyon ang pinsala sa agricultural infrastructure, kabilang ang pig pen sa Barangay Sta. Fe, San Marcelino na inanod at natabunan ng putik.
Nasa ₱1.55 milyon naman ang pinsala sa agricultural machinery at equipment. Kabilang dito ang mga farm machinery sa Sta. Fe na inanod ng baha o natabunan ng lupa. Bahagyang nasira rin ang isang hand-held agricultural tractor sa Barangay Bayto, Sta. Cruz.
Nasira rin ang isang small water impounding project sa Barangay Amungan, Iba, na tinatayang ₱700,000 ang halaga ng pinsala matapos ma-undermine ang embankment slope at foundation nito.
Apektado rin ang fisheries, na may ₱906,220 na pagkalugi sa capture fisheries at ₱796,065 sa aquaculture.
Samantala, iniulat ng Provincial Veterinary Office ang pagkamatay ng 193 hayop na nagkakahalaga ng ₱1.18 milyon.
Ayon kay Estella, patuloy pa ang assessment at validation kaya maaaring magbago ang mga bilang.
Nauna nang idineklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Zambales ang lalawigan bilang state of calamity dahil sa malawakang pagbaha at pinsalang dulot ng sunod-sunod na malakas na pag-ulan.
Pagsapit ng Agosto 30, umabot sa 710 pamilya o 14,052 indibidwal ang inilikas sa iba’t ibang lugar sa Zambales dahil sa pagbaha. RNT/MDS